Ang Paru-Paro sa Mukha ni Mama

Linggo ng umaga. Isang ama ang gumising at nagluto ng almusal. Nagprito siya ng hotdog at itlog na paborito ng kanyang anak na babae. Kinuha niya ang bahaw na kanin sa pridyidir at isinangag ito sa kawali. Nang matapos siya ay pumunta siya sa kwarto ng anak upang ito’y gisingin.
“Gising na, anak,” sabi ng ama sa kanyang anak.
“Good morning, papa,” naaalimpungatan pa ang bata.
“Good morning din, anak. Oh, bumangon ka na; nagluto ako ng paborito mo. Bilisan mong bumangon dahil pupuntahan natin si mama ngayon”
“Talaga po ba?” ngumiti ang bata. “Yehey!”
Dali-daling bumangon ang batang babae at pumunta sa hapagkainan upang kumain na ng almusal. Masaya siya dahil makikita na niya ulit ang kanyang ina. Matagal na kasi niya itong hindi nakikita.

Matapos nilang kumain ay pinaliguan na ng ama ang kanyang anak. Binihisan niya ito ng magandang damit at tinirintasan ang buhok. Siya rin ay nagbihis ng disenteng polo at pinabanguhan ang sarili. Nang sila’y matapos sa pag-aayos sa sarili ay sumakay na sila sa kanilang kotse at nagtungo sa kanilang pupuntahan.

Tumigil muna sila para mamili sa isang tindahan ng bulaklak. Pinagmasdan ng bata ang magagandang mga bulaklak na naka-display sa harap ng tindahan. Mayroong mga rosas, daisy, at marami pang iba, Pero ang namukod tangi sa kanyang mga mata ay ang paborito niyang daffodil na kakasibol pa lamang.
“Papa, gusto ko ‘yun oh!” itinuro niya ang daffodil.
Hawak ng kanyang ama ang isang palumpon ng carnation na napili niyang bilhin.
“Ale, isa na rin pong maliit na buoquet doon sa bulaklak na tinuturo ng anak ko,” ang sabi niya sa tindera.
Kinuha ng tindera ang isang namumukadkad na palumpon ng daffodil at ibinigay ito sa bata. Tuwang tuwa ang batang babae nang matanggap niya ang palumpon ng daffodils. Inamoy niya ito at nagpasalamat sa kanyang ama na nagbabayad sa tindera.
“Thank you po, papa! Matutuwa rin si mama sa ibibigay niyo sa kanya,” ang sabi niya.
“Para kanino ba ‘yang mga bulaklak na ‘yan?” tanong ng kanyang ama.
“Para po kay mama,” sagot ng bata. “Sasabihin ko sa kanya na paborito ko ‘tong bulaklak na ito.”
“Sigurado akong matutuwa siya kapag nakita niya iyan,” napangiti ang kanyang ama.

Hinahaplos ng batang babae ang kanyang hawak na bulaklak at inamoy-amoy ito habang nasa loob ng kotse. Inisip niya ang itsura ng kanyang inang matagal na niyang hindi nakikita sapagkat kailangan ng kanyang ina na pumunta sa ibang lugar.
“Papa, bakit po kailangang umalis ni mama noon?” tanong ng bata sa kanyang ama.
“Kailangan kasing magtrabaho ng mama mo sa malayo kasi mas mataas ang pera na nakukuha niya doon kaysa dito sa atin. Kaya siya umalis para mayroon tayong pera,” sagot ng kanyang ama.
“Hindi po ba niya tayo love kaya siya umalis?”
“Love tayo ni mama at palagi niya tayong iniisip habang nagtatrabaho siya. Para sa atin ang lahat ng ginagawa niya.”
“Sana hindi na lang po siya umalis. Nami-miss ko na po kasi siya eh.”
“Kaya nga pupuntahan natin ang mama mo para kumustahin siya,” ngumiti ang ama sa kanyang anak. “Ikuwento mo sa kanya kung ano nakuha mo nung graduation niyo, siguradong matutuwa siya doon.”

Ilang oras pa ay nakarating na ang mag-ama sa lugar kung nasaan ang nanay ng bata. Nilakad nila ang daanan habang bitbit ang mga bulaklak na kanilang binili para sa kanya. Ilang sandali pa ay nakita ng batang babae ang nanay niya at dali-daling tumakbo para yakapin siya.
“Mama, miss na miss na po kita!” humagulgol ang bata. “Sana hindi ka na po umalis.”
Tumulo ang luha ng bata sa lupa. Dumating ang kanyang ama na may hawak na kandila.
“Huwag mong yakapin ‘yang puntod at madumi iyan,” sabi ng kanyang ama.
Bumitaw ang bata at pinunasan ang kanyang luha.
“Kasi naman po, miss ko nang yakapin si mama,” sininghot ng bata ang sipon na tumutulo na sa ilong niya. “Hindi na po ba siya babalik?”
“Pasensya ka na, pero hindi na siya babalik, anak,” malungkot na sinabi ng kanyang ama.
Humagulgol sa pag-iyak ang batang babae dahil sa labis na kalungkutan. Bumalik sa kanya ang mga ala-ala ng kanyang inang namayapa na.

Mga panahong ang nanay pa niya ang nagluluto ng kanyang paboritong ulam, gumigising sa kanya tuwing umaga, nagpapaligo sa kanya, nagtitirintas sa buhok niya, at nagbibihis sa kanya. Saglit na panahon niya lamang naranasan iyon. Dumating ang umagang hindi na ang kanyang ina ang gumigising sa kanya.
“Papa, asan si mama?” tanong niya noon sa kanyang ama sa labis na pagtataka.
“Hindi pa nakakauwi si mama, anak,” sagot ng kanyang amang hindi pa sigurado kung paano sasabihin sa kanyang anak na binawian na ng buhay ang kanyang ina habang ito’y pauwi mula sa kanyang trabaho.

Inilapag ng mag-ama ang kanilang dalang mga bulaklak sa puntod ng namayapang nanay; carnations mula sa ama, daffodils mula sa anak. Nagsindi sila ng kandila sa tabi ng naka-frame na litrato ng nanay at nagdasal. Inakbayan ng ama ang kanyang anak na dahan-dahang pinupunasan ang mga luha sa pisngi niya’t mga mata.
“Miss na kita, mama,” pag-iyak ng bata. “Bumalik ka na po, sige na.”
Habang patuloy pa rin sa pagpatak ang mga luha niya sa kanyang mga mata ay dahan-dahang dumapo ang isang puting paru-paro sa litrato ng kanyang ina.
“Nandito lang si nanay sa tabi natin, anak,” pinatahan ng ama ang kanyang anak. “Hinding hindi niya tayo pababayaan.”

Advertisements

Leave a Comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s