Bawal Ako Magutom

Umagang-umaga at magsisimula na ang klase pero bitbit pa rin niya ang binili niyang sandwich sa loob ng maingay nilang classroom. Ilang minuto na lang ay darating na ang kanilang guro at siguradong malilintikan nanaman siya pag nahuli siyang kumakain. Bawal kasi ang anumang uri ng pagkain at inumin sa loob ng classroom.

Isang kagat. Dalawang kagat. Mabilis niyang nginuya ang bawat kagat niya sa tinapay. Kaunting nguya sabay lunok habang umiinom ng pampatulak na fruit juice. Ilang segundo na lang ay papasok na mula sa pinto ang kanilang guro. Kailangan niyang maubos ang pagkain bago pa siya makapasok.

Nakatitig na sa kanya ang ilang kaklaseng nag-aalala na sa kanya. Ilang araw na rin kasi siyang nalilintikan dahil sa pagkain niya sa loob ng classroom. Magkahalong pagkaawa at pagkasawa ang kanilang nararamdaman para sa kaniya. Gayunpaman, wala naman silang magagawa tungkol sa sitwasyon kundi makinig at matuto sa sermon ng guro nila.

Ilang sandali pa at biglang bumukas ang pinto at nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang kanilang guro na pumasok mula sa pinto. Patay, mapapagalitan nanaman siya. Dali-dali niyang isinubo nang buo ang natitira pang laman ng sandwich niya at nagmamadaling itungga ang bote ng fruit juice na panulak niya.

Siya ang unang bumungad sa paningin ng guro nila. Tinitigan siya nito habang siya nama’y pinawisan sa kaba at muntik na ngang mabulunan. Nag-init ang dugo ng guro at siya’y sinigawan.
“Mr. Balut,” mataas na sigaw ng guro. “Hindi ba’t ilang beses na kitang pinagsabihan na BAWAL KUMAIN SA LOOB NG CLASSROOM?!”
Napayuko lang siya habang unti-unting nginunguya at nilulunok ang kanyang kinain. Hindi siya makatingin sa kanyang guro dala ng takot niya sa kaniya. Sinermonan nanaman siya ng kanilang guro, at sampung minuto nanaman ang nakain sa oras niya.
“Sa susunod na beses na makita kitang kumakain sa loob ng klase ko, dadalhin na kita sa discipline office!” banta ng guro niya.

Sunod na araw ay napansin siya ng mga kaklase niyang nanghihina at mukhang matamlay. Sinusubukan siyang kausapin ng mga kaklase niya pero hindi siya makasagot, ni hindi rin siya makatingin sa kumakausap sa kanya. Hindi nila alam kung ano ang nangyari sa kanya.

Ilang sandali pa ay pumasok na ang kanilang guro at napansin din niya kaagad na tila walang buhay ang estudyanteng nung kahapon lang ay tila wala nang bukas kung kumain. Ngumiti ang guro dahil hindi na niya nakitang kumakain ang estudyanteng kota na sa kanya.
“Mr. Balut,” matuwang sinabi ng guro. “Buti naman at natuto ka nang hindi kumain dito sa loob ng classroom. Ipagpatuloy mo lang iyan.”
Ngumiti ang natutuwang guro, ngunit walang imik ang nanghihinang estudyante.

Hilong-hilo na ang nanghihinang estudyante at paikot-ikot na ang ulo sa kanyang inuupuan. Panay ang himas niya sa kanyang tiyan at paglunok sa kanyang lalamunan. Dumaan ang ilang minuto at hindi na niya napigilan. Bumulwak ang suka mula sa kanyang bibig. Nagsitayuan ang kanyang mga katabi upang di matalsikan. Nagsitinginan ang iba pa niyang mga kaklase. Nanlaki naman ang mata ng kanilang guro.
“Mr. Balut,” pagtataka ng kaniyang guro. “Anong nangyari dyan? Mabuti pang pumunta ka na sa clinic at doon ka na magpahinga.”
Tinawag ng guro ang dalawa sa kanyang mga estudyante para alalayan ang matamlay nilang kaklase. Nagpatawag din siya ng janitor upang linisin ang isinuka ng estudyante niya.
“Naku, ano na kaya ang nangyari sa estudyante kong iyon?” pagtataka ng nag-aalalang guro. “May nakakaalam ba sa inyo kung ano ang nangyari sa kaklase niyo?”
Nagsitinginan ang lahat ng estudyante sa loob ng silid. Isa sa kanila ang nagtaas ng kamay.
“Ma’am, nasabi niya po sa amin dati na hindi na po siya nakakapag-almusal sa bahay dahil ayaw niyang ma-late sa klase niyo kaya dito na po siya kumakain. Kaya po siguro siya nasuka ay dahil gutom na gutom na po siya. Malayo pa po kasi bahay niya mula dito sa school eh.”
Natahimik ang guro at napaupo na lamang. Hindi na siya muling nakapagsalita, at sampung minuto nanaman ang nakain sa oras niya.

Advertisements

Leave a Comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s