Kabisado Ko

Hindi ko kabisado ang tulang ito. Kaya pasensya na kung medyo ma-uutal ako. Huwag kang mag-alala, tatapusin ko ‘to agad kasi alam kong makakalimutan ko lang din ‘to.

Kagabi ko lang sinulat ang tulang ito, kaya pakinggan mo akong mabuti dahil pinaghirapan ko ito. Pinagpuyatan. Hindi nakatulog dahil sa’yo. Sinusubukang kabisaduhin ang tulang ito. Dahil wala na akong ibang kinabisado sa buong buhay ko kundi ikaw.

Ikaw.

Ikaw ang isang bagay na hindi ko makalimutan.
Paano ba naman kasi, eh andami nating pinagsamahan.

Ilang beses na tayong nagtawanan.
Ilang beses na tayong nag-asaran.
Ilang beses na tayong nagharutan.
Ilang beses na tayong nagkatitigan.
Ilang beses na tayong nagkatabi, nagkaharap, nagkayakap, at naghawakan ng kamay habang naglalakad.

Sa sobrang daming bagay na nagpapa-alala sa akin sa’yo, hindi ko tuloy makabisado ang tulang ito.
Kaya ayun, madami na akong nakabisadong bagay tungkol sa’yo.

Kabisado ko ang pangalan mo.
Kabisado ko ang itsura mo.
Kabisado ko ang birthday mo.
Kabisado ko pati ‘yung dalaw mo.
Kabisado ko ang daan papunta sa inyo.
Kabisado ko kung ilan ang nunal sa mukha mo.

Maniwala ka sa’kin, kabisado ko ang lahat.
Kaya mahirap tuloy para sa’kin ang kalimutan ka.

Mahirap para sa’kin ang palagi kang maalala sa tuwing may nakikita akong bagay na may kaugnayan sa’yo.
Payong. Papel. Biscuit. Pansit. Baywalk. Luneta. Mall of Asia. At marami pang iba na hindi ko na kayang sabihin pa.
Wala ka bang naaalala sa mga sinabi ko? Kasi ako, madami. At kadalasan doon ay ikaw.

Sa tuwing kinakalimutan kita, lalo lang kitang inaalala. Tila may mga bumubulong sa akin ng, “Huwag muna, baka bumalik pa siya.”
Pero naaalala ko pa kung paano mo sinabi ang “paalam na” doon sa sakayan ng jeep sa Morayta, noong Lunes, alas-onse ng gabi.
Naaalala ko pa ang suot mo noon. Itim na blouse na tila may pinaglalamayan ka noong gabing iyon.
Naaalala ko pa kung paano mo ako hinayaang umuwi na singkwenta lang ang laman sa bulsa.
Naaalala ko pa kung paano mo sinara ang pinto sa likod ng UV nung nagtangka pa akong habulin ka.

Astig, ano? Naaalala ko pa. Daig ko pa ang nakainom ng sampung tableta ng pampagana ng memorya sa dami ng aking naaalala. Pero aling tableta ba ang iinomin ko para makalimutan ka? Tableta nga ba o inuming tinutungga? Inuming magpapabula sa aking bunganga.

Sabihin nating nagkita na tayo ulit at hindi na ikaw ang dating nakilala ko. Mapapahiya ba ako sa mga sasabihin ko? O magpapakatanga ka dahil hindi mo inaamin kung ano ang totoo? Sasabihin mo ba sa’kin na hindi na ikaw itong kinabisado ko?

Kung hindi na ikaw ang dati kong nakilala, edi sino naman itong palagi kong inaalala?
Kung mali na ang lahat ng kinabisado ko sa’yo, ano pa ang saysay ng mga nalalaman ko?

Kung hindi ko pala kayang kabisaduhin ang tulang ito, bakit ko pa pinilit ang sarili kong isulat ito?

Para maalala mo.

Na kahit minsan lang sa buong buhay mo ay maalala mo.
Na may isang taong palaging nag-aalala sa’yo.
Na palagi kang inaalala ng isang taong iyon.
Na hindi ka kinalimutan ng isang taong iyon hanggang sa huli.

Kaya ngayon, sabihin mo.
Naaalala mo ba ako?
Akong iniwan mo noong ika-labingsiyam ng Agosto?
Akong hinalikan mo sa madilim na eskinita doon sa Balete Drive?
Akong niyaya mong mamasyal sa Intramuros habang umuulan nang malakas noong Biyernes na iyon?
Akong nilibre mo ng iced tea na tig-trenta sa tindahan ni Ate Linda?

Siguro, hindi. Kasi wala kang pake.
Hindi ka nagtiyagang kabisaduhin ang mga bagay na tungkol sa’kin. Kasi hindi ako naging mahalaga sa’yo.

Kaya ngayon, susubukan kong muling kalimutan ka. Tulad ng pagkalimot ko…

Tulad ng pagkalimot ko… sa…
Ano nga ulit ‘yun?

Teka, nakalimutan ko na. Sana makalimutan din kita.


1st Runner-Up
Spoken Word Poetry Contest
National University – College of Education, Arts, and Sciences Day
September 28, 2016

Advertisements

Leave a Comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s