Sabi Mo

Sabi mo, mahal mo ang ulan.
Pagkulimlim pa lang ng langit,
Nag-aabang ka na’t magtatanong,

“Ma, pwede ba ‘ko maligo sa labas?”

Sabi mo, mahal mo ang ulan.
Sabik ka sa pagbuhos nito.
Tatakbo ka agad palabas,

Makikipaglaro sa mga kaibigan mo.

Sabi mo, mahal mo ang ulan.
Maglalaro kayo sa pagbuhos nito,
Maghahabulan,

Magtatawanan.

Sabi mo, mahal mo ang ulan.
Kahit minsa’y nagkakasakit ka’t
Pinapagalitan ni Nanay,

Hindi ka pa rin papatinag.

Sabi mo, mahal mo ang ulan.
Kapag hindi ka pinapayagan ng nanay mong maligo,
Magdadabog ka, iiyak

At magkukulong sa kwarto buong magdamag.

Sabi mo, mahal mo ang ulan.
Ngunit sa paglipas ng panahon,
Napapadalas na ang pagkulong mo sa kwarto,

Sinisilip mo na lang sa labas ang mga dating kalaro mo.

Sabi mo, mahal mo ang ulan.
Ngunit, bakit hindi ka na nasasabik tulad ng dati?
Hindi ka na nagtatanong kay Nanay,

Kung pwede ka bang maligo sa labas.

Sabi mo, mahal mo ang ulan.
Pero napapadalas na ata ang pagdadasal mong,
‘Wag na sana itong bumuhos

Dahil ‘di matutuloy ang lakad mo.

Sabi mo, mahal mo ang ulan.
Ngunit bakit ka sumisilong,
At tumatakbo kapag bumubuhos ito,

Sabay ng paglabas at pagbukas ng payong mo?

Sabi mo, mahal mo ang ulan.
Ngunit, bakit parang kinamumuhian mo na ito?
Kaya nung sinabi mong mahal mo ko,
Natakot akong maiwan mo sa dulo.
Advertisements

One thought on “Sabi Mo

Leave a Comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s