Nakakasawa Na

Nakakasawa na.

Nagsasawa na akong alalahanin ka. Alam ko naman na wala na talaga, kaya ano pa ba ang silbi ng alalahanin ka? ‘Pag nakuha ba kita ulit, sasaya na ba ako? ‘Pag bumalik ka ba sa piling ko, gaganda na ba ang buhay ko?

Minsan, sasabihin ko, “Ah, nangyari na ‘yan. Tapos na. Naganap na. Bakit ko pa pinapangarap na maulit pa?” Sapat na siguro sa akin ang minsan mo ako’y napasaya. Pwede ko rin naman kasing ulitin iyon kahit wala ka na. Pwede ko rin naman gawin iyon kahit ako’y may bago na.

Oo, napapangiti pa ako sa tuwing naaalala kita. Pero hindi na ikaw ang dahilan ng mga ngiti na iyon. Ngumingiti ako dahil kahit minsan sa isang buhay ko ay nagawa ko ang isang bagay na akala ko ay hindi ko kaya. Nagawa kong libutin ang mundo kasama ka. Ngayon, kaya ko na iyon gawin nang mag-isa.

Nakakasawa na kasi paulit-ulit na lang. Paulit-ulit kitang naaalala pero wala namang nangyayari upang mabalik pa ang nawala. Tinatanong ko na lang sa sarili ko, “Kailangan pa ba kita?” Kailangan ba talaga kita? Hindi naman ako pumanaw noong ika’y mawala. Ibig sabihin, hindi ikaw ang buhay ko. Ano na nga ba ang silbi mo sa mundo ko kung hindi naman ikaw ang nagpapatakbo nito? Ano ka nga ba para sa akin at ganun na lang ba ang pangangailangan ko sa’yo noon?

Hindi ako galit sa’yo. Pero hindi rin ako nanghihinayang. Ikaw ang dahilan kung bakit ganito ako ngayon. Ikaw ang dahilan kung bakit buhay pa ako hanggang ngayon. Dinala mo ako sa bingit ng kamatayan, pero niligtas mo rin ako nung umalis ka. Tunay ngang nakamamatay ang katagang, “Ayaw ko na.” Pero iyon ang nagsilbing susi upang makawala sa hawla. Hawlang biglang nabuo noong gumuguho na ang ating mundo. Hawlang naging peste sa utak ko kaiisip sa’yo.

Ngayong nakawala na ako, wala na akong pake sa’yo. Bumalik ka man sa isip ko, alam ko nang wala na akong magagawa tungkol dito. Sana may gamot na makakatanggal sa sakit ng ulo sa tuwing naaalala kita. Kasi paulit-ulit na eh. Masakit na ang ulo ko. Nagsasawa na ako. Pero okay lang, baka masanay na lang ako.

Akala ko ginhawa ang dulot ng pag-alala ko sa’yo. Hindi pala.

Nakakasawa rin pala ang isipin ka.

Advertisements

Leave a Comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s