Hithitin Ko Man Ang Upos

Sindi. Hithit. Taktak. Buga.

Simple lang daw ang magyosi. Isusubo mo lang ‘yung sigarilyo ‘tas sisindihan mo at malilimutan mo ang lahat ng problema mo sa mundo sa bawat hithit mo nito. Kasabay ng pagbuga mo ng usok ang lahat ng hinanakit mo sa buhay na unti-unting dinadala ng ere sa kawalan.

Pampainit daw ang yosi sa malalamig na gabi. Pampakalma sa mga tulala. Mas masarap daw magyosi habang umiinom ng kape. Sabay nitong ginigising at pinapatibok ang puso mong sawang-sawa na sa pagiging mapag-isa sa buhay. Masama man ito sa ating katawan, mabuti naman ito para sa iyong isipan.

Pero hindi ako nagyoyosi dahil alam kong iyon ang magiging kamatayan ko. Diring-diri ako sa tuwing nakakakita ako ng taong nagyoyosi. Hindi ba nila alam kung gaano kadumi ang usok na nilalagay nila sa kanilang napakahinang baga? Alam ba nila na maaari nilang ikamatay ang paninigarilyo araw-araw? Napakadami na ngang pag-aaral na nagsasabi na wala namang magandang benepisyo sa katawan ang paninigarilyo, pero bakit pa rin nila iyon ginagawa? Sadyang matitigas lang ang ulo natin, eh ano? Mas gusto niyo pa atang mamatay kaysa sa mabuhay eh.

Hindi ako nakikipagkaibigan sa kung sino mang naninigarilyo. Kapag nalaman kong nagyoyosi ka, lalayuan na kaagad kita. Tingin ko kasi sa mga naninigarilyo, madudungis. Madungis na nga ang baga nila, madungis pa bunganga nila. Dura dito, dura doon. Sino naman kaya ang may gustong humalik sa katulad nila? Hindi ako. Hinding-hindi kita lalapitan at hinding-hindi kita hahawakan.

‘Tapos sobrang kalat pa nila. Pagkatapos nilang magyosi, kung saan-saan lang nila itatapon ‘yung upos ng sigarilyo nila. Nakakainis! Parang balewala lang sa kanila ‘yung mundong ginagalawan nila. Kaya tayo binabaha dahil sa basura nila eh.

Sabi ng mga kaibigan ko sa’kin, “Napaka-immature mo naman. Anong pake mo sa kanila? Kung gusto nilang magyosi, edi hayaan mo lang sila; gusto nilang mamatay eh. Tanggapin mo na lang kung ano sila kasi iyon ang buhay na pinili nila.”

Sinubukan ko silang tanggapin. Pero isa lang sa kanila ang tinaggap ko.


Sindi.

Araw-araw ay nakakasalubong ko ang mga schoolmate ko sa labas ng campus ng aming unibersidad. Madalas silang nagkukumpulan sa isang gilid at naninigarilyo. Nagtatago pa sila, eh halata naman kung ano ang ginagawa nila. Pero hinahayaan ko na lang sila. Ano ba naman kasing mapapala ko kung papatulan ko sila? Dagdag pride?

Bakit hindi alam ng admin kung ano ang ginagawa nila? Wala bang nagsusumbong sa kanila sa admin? Paano kung marami pa silang maimpluwensiyahan? Kung alam nga nila, bakit wala silang ginagawang parusa sa kanila? Hay nako. Nasa wastong edad naman na sila kaya wala akong magagawa.

Isang maaraw na Sabado nang maisipan kong pumunta sa aming unibersidad upang ipa-check ang aking thesis. Medyo tinatamad ako dahil sobrang init at sa pinakamalayo pang bahagi ng campus ang building ng pagpapasahan ko.
“Ma, alis muna ako,” nagpaalam ako sa mama ko bago ako umalis.
“Saan ka pupunta?” tanong ni mama.
“Sa school po, magpapa-check ng thesis.”
“Ah, ganun ba. Magdala ka ng payong at baka umulan mamaya,” sabi ni mama bago niya iabot sa akin ang baon kong pera para sa aaw na iyon.
“Mukhang hindi naman po uulan,” napatingin ako sa maaliwalas na kalangitan.
“Ah, basta magdala ka pa rin ng payong. Malay mo, bigla na lang umulan mamayang hapon.”
“Hindi ‘yan.”
Naging matigas ang ulo ko at hindi ako nagdala ng payong dahil kampante naman akong mananatiling maganda ang panahon hanggang mamayang gabi.
“Mag-iingat ka, anak!”
“Sige po, Ma.”

Bumiyahe na ako papunta sa aming unibersidad. Dala ko sa aking bag ang aking thesis tungkol sa epekto ng paninigarilyo sa utak ng isang tao. Hindi pa ako masyadong sigurado sa ilan sa mga sinulat ko sa thesis ko kaya ipapasangguni ko muna ito sa aming professor na eksperto na pagdating sa mga ganitong bagay.

Nasa pinakamalayong banda pa ng aming campus ang building kung nasaan ang faculty room ng aming professor. Tahimik ang paligid dahil hindi naman regular ang klase at puro make-up class lang ang isinasagawa ngayong bakasyon. Karamihan sa mga building ay sarado kaya kaunti lang din ang mga taong pumupunta sa aming unibersidad ngayon. Napansin kong naging makulimlim na ang panahon nang ako’y makarating sa aming building.

Pumasok ako sa silid kung nasaan ang table ng aming professor. Dumungaw ako sa lahat ng upuan sa loob ng kwarto, ngunit hindi ko siya matagpuan. Lumapit ako sa isa pang prof upang tanungin kung nasaan siya.
“Ay, wala siya dito ngayon eh,” sabi ng aking napagtanungan. “Mukhang naka-leave pa siya hanggang ngayon.”
“Ay, ganun po ba,” ako’y nabahala.
“Hindi mo ba siya nakausap bago ka pumunta dito?”
“Hindi po eh, wala po akong contact sa kanya.”
“Ahh, kaya pala. Balik ka na lang next week, baka pumasok na ulit siya.”
“Ah, sige po. Salamat.”
Umalis na ako sa silid na iyon at naglakad na palayo. Kung alam ko lang sana na naka-leave ‘yung prof ko ngayon, edi sana hindi na ako pumunta dito. Nanghihinayang tuloy ako. Sayang biyahe ko.

Nang hapon na iyon ay biglang umambon. Wala akong dalang payong kaya tumakbo ako kaagad sa pinakamalapit na lugar na pwedeng pagsilungan. Nakarating ako sa labas ng isang building sa aming campus. Sarado ito ngayon dahil hindi naman regular ang klase kaya walang gumagamit nito.
“Saglit lang naman ‘to,” sabi ko. “Ambon lang naman ‘yan eh.”
Ngunit sa isipan ko, nagsisisi na ako kung bakit hindi ko dinala ang payong ko.

Ilang sandali pa ay lumakas na ang ulan at may nakita akong babaeng tumatakbo papalapit sa building na sinisilungan ko. Nakapatong sa ulo niya ang kanyang bag upang hindi siya masyadong mabasa ng ulan. Sumilong siya malapit sa kinatatayuan ko at pinunasan ang kanyang balat upang ito’y matuyo.

Napatingin ako sa kanya. At napatingin din siya sa akin. Ilang pulgada lang naman ang agwat namin sa isa’t isa at kami lang ang tao sa lugar na iyon. Tila nabighani ako sa ganda ng babaeng nasa tabi ko ngayon. Hinubad niya muna ang kanyang basang sweater at isinabit ito sa hawakan ng hagdan upang patuyuin ito. Humaplos naman ang kanyang panyo sa maputi niyang balat na basang-basa sa ulan. Pagkatapos nito ay binuhaghag niya ang kanyang maikling buhok upang mabilis itong matuyo.

Gusto ko siyang kausapin. Ano kaya ang ginagawa niya dito sa unibersidad namin ngayon? May pasok ba siya? Bakit mag-isa lang siya? Bakit siya nakarating sa bahaging ito ng campus namin? Ano kaya ang pangalan niya? Pinagmasdan ko muna siya bago ako magsalita. Baka isipin niya kasing isa akong manyak kung bigla ko siyang kakausapin.

Kinuha ng babae ang kanyang bag at tila may hinahanap siya sa mga bulsa nito.
“Shit,” bulong ng babae. “Naiwan ko ata ‘yung lighter ko sa banyo kanina.”
Lighter? Bakit naman niya kakailanganin ng lighter? Muli niyang hinalughog ang kanyang bag at nahanap ang kanyang lighter.
“May laman pa ba ‘to?” tanong niya sa kanyang sarili.

Maya-maya pa ay nalaman ko rin kung bakit niya kinakailangan ng lighter. Naglabas ang babae ng isang kaha ng sigarilyo sa kanyang bulsa at kumuha ng isang stick dito at saka ito inilagay sa kanyang bibig. Sinubukan niya itong sindihan gamit ang lighter na nakita na sa kanyang bag ngunit walang apoy na lumalabas mula dito. Ilang beses niya itong inulit ngunit wala pa rin. Doon na siya lumapit sa akin.
“Uhm, kuya,” tinawag niya ako. “May lighter ka ba diyan? Baka pwedeng pasindi?”
Sa isip-isipan ko, parang gusto ko nang sapakin ang babaeng ito. Hindi na siya nahiya sa akin; ako na galit sa mga naninigarilyo. Sayang, ang ganda pa naman niya.
“Uhm, hello?” tinawag niya ako ulit.

Nilunok ko muna ang aking pride at kinausap ang babaeng nasa tabi ko ngayon.
“Uhh, wala eh,” sabi ko sa kanya. “Hindi kasi ako naninigarilyo eh.”
Tila nagulat ang babae sa aking sagot dahil hindi niya inaasahan na sasabihin ko iyon.
“Ay, ganun ba,” paumanhin niya. “Pasensya na. Akala ko kasi nagyoyosi ka.”
“Mukha ba akong nagyoyosi para sa iyo?”
“Kuya, huwag ka namang magalit. Akala ko lang naman eh. Tao lang, nagkakamali. Beastmode naman agad ‘to si kuya oh. Ang sama na nga ng panahon, ang sama pa ng ugali.”
“Ano’ng sinabi mo?”
“Wala! Sabi ko, ang sama ng panahon, baka mamaya pa ako makakauwi.”
Lumakas pa ang ulan at dumagundong ang pagkulog mula sa malayo. Mukhang mamaya pa nga kami makakauwi.

Sinubukan muli ng babae na sindihan ang kanyang sigarilyo at sa pambihirang pagkakataon ay umapoy ang kanyang lighter. Humithit siya nang malalim at ibinuga kaagad ang usok nito. Hindi kaagad nawala ang usok dahil kulob sa aming kinatatayuan ngayon, ngunit kumalat naman ito at umabot hanggang sa puwesto ko. Tinakpan ko muna ang aking ilong upang hindi malanghap ang baho ng usok ng kanyang sigarilyo. Napansin niya ang aking pagtakip ng ilong kaya lalo pa niyang tinagalan ang kanyang paninigarilyo sa tabi ko. Mukhang nang-aasar ata ‘tong babaeng ‘to ah.
“Uh, miss,” tinawag ko ang kanyang pansin. “Pwedeng lumayo ka ng kaunti sa akin?”
“Bakit? Allergic ka ba sa usok?” mapang-asar niyang tinanong sa akin.
“Hindi naman. Ayaw ko lang na magkasakit dahil diyan sa usok mo.”
“Edi ikaw ang lumayo.”
“Miss, ayaw kong makipagtalo sa’yo, pero pakiusap ko lang po na tigilan niyo na lang po iyang paninigarilyo niyo ngayon sa harap ko. Masama po ang idinudulot niyan sa ka–…”
“Oo na! Paulit-ulit naman kayo ng sinasabi eh. Last na ‘to. Sa ngayon.”
Hindi na ako muling nagsalita pa upang hindi na lumaki ang problema. Pinagpatuloy niya ang kanyang paninigarilyo at, nang siya ay matapos, ay itinapon na lang ito basta sa putikan. Kahit medyo naiinis ako sa ginawa niya, hindi ko na lang siya pinansin dahil matanda na siya at alam na niya dapat kung ano ang tama.

Akala namin ay saglit lang bubuhos ang ulan. Tumagal pa ito ng ilang minuto at malapit nang dumilim dahil papalubog na ang araw. Malapit na mag-alas-sais at hindi pa rin natatapos ang ulan. Lumakas pa nga ito habang dumidilim na sa aming pinagsisilungan. Umupo muna kami sa hagdan sa harap ng gusali at hinintay na tumila ang ulan.

Malakas man ang ingay ng pagbuhos ng ulan, napakatahimik naman ang paligid dahil hindi kami nagpapansinan. Hindi naman kami magkakilala, pero bakit galit kami sa isa’t isa? Napakababaw naman ng pinagtalunan namin. Ayaw ko namang mabagot sa kahihintay dito nang walang ginagawa. Hinayaan ko na lang sana siya.

Ilang sandali pa ay lumapit siya sa akin at umupo sa tabi ko.
“Kuya, sorry kanina ha,” paumanhin niya. “Hindi ko kasi mapigilan ang magyosi minsan lalo na’t nakakaginaw ‘yung lamig dito ngayon.”
“Wala iyon,” sabi ko. “Gutom lang siguro iyon kaya medyo sumama ang loob ko. Ganun kasi ako kapag gutom eh.”
“Ay, hindi mo naman sinabi kaagad! Meron akong pagkain dito.”
Kinuha ng babae ang kanyang bag at naglabas ng isang bawas na bag ng potato chips.
“Sa’yo na lang ‘to, kuya,” alok niya sa akin. “Tira ko ‘yan kanina.”
“Oo nga eh, hindi halata,” biro ko sa kanya.
Napangiti siya at pinigilan ang kanyang pagtawa.
“Ay, nakalimutan pala nating magpakilala sa isa’t isa,” nasabi niya.
Iniabot niya ang kanyang kamay sa akin upang makipagkamay. Sinabi niya ang pingalan niya at sinabi ko rin sa kanya ang akin. Hindi ko na naisip na hawak ko ngayon ang kamay ng isang babaeng mahilig magyosi. Parang ayaw ko nang bumitaw sa malambot niyang kamay.
“Nice to meet you,” siya’y ngumiti.
“Ikaw rin,” napangiti rin ako.

Ilang segundo pa ay bumitaw na siya sa pagkakahawak.
“Ano nga pala ang ginagawa mo dito ngayon?” tanong niya sa akin.
“Ipapa-check ko sana iyong thesis ko dun sa prof ko,” sagot ko sa kanya. “Kaso wala pala siya dito ngayon.”
“Ahh, tungkol saan?”
Nagdalawang-isip muna ako bago ko sagutin ang tanong niya.
“Uhh, tungkol sa epekto ng paninigarilyo sa utak ng isang tao,” sinabi ko sa kanya.
Siya’y natulala at hindi muna nakapagsalita.
“Wow,” bulong niya. “Oh, ano naman ang resulta ng ginawa mo?”
“Sa totoo lang, hindi ko pa sigurado kung valid ‘yung mga nakuha kong detalye. Hindi naman kasi ako nagyoyosi para malaman kung totoo nga itong mga sinasabi ng mga na-research ko.”
“Pero ano sa tingin mo ang tama?”
“Sa tingin ko, nakakasama ang paninigarilyo sa utak dahil pinapatay nito ang iyong brain cells na maaaring magdulot ng pagiging ulyanin.”
“Ahh, galing mo ah.”
“Hehe, hindi naman. Masipag lang magbasa. Sa tingin ko rin naman kasi tama iyon dahil walang naidudulot na maganda ang paninigarilyo.”
“Meron kaya.”
“Ano naman iyon?”
“Pampakalma. Nakakapagpawala ng stress. Pampainit kapag giniginaw. Tipong ganun.”
“Kaya naman iyon gawin ng kape eh.”
“Oo nga ano?” mapanuya niyang sinabi sa akin. “Pero saan kaya ako makakakuha ng mainit na tubig ngayon? Hindi mo ba naisip iyon?”

Hindi na ako nagsalita pang muli at baka mabara niya pa ako ulit.
“Ganun na lang ba ang galit mo sa mga naninigarilyo at lahat na lang pagsasabihan mo ng ganyan?” tinanong niya sa akin.
“Hindi naman sa ganun,” mahinhin kong sinagot. “Sabihin natin, concerned lang ako sa kalusugan niyo.”
“Ha! Concerned daw. Hindi mo pa nga ako lubos na kilala, pero may paki ka na sa kalagayan ng katawan ko.”
“Oo, kahit wala namang mangyayari sa akin kung titigil ka, at least alam kong okay ka lang. Ang ganda mo pa naman ‘tas sasayangin mo lang iyan dahil sa paninigarilyo mo?”
Napatingin siya sa’kin bigla at natawa.

“Ikaw?” tinanong ko siya. “Ano naman ang ginagawa mo dito?”
“Wala naman,” sinagot niya. “Napadaan lang ako dito sa school natin kasi wala akong ibang mapuntahan. Saya nga kasi wala masyadong tao.”
“Paano ka naman nakarating sa parte na ‘to ng campus natin?”
“Wala lang, naglilibot lang naman talaga ako. Ang laki naman kasi ng unbersidad natin. Ang sarap tuloy libutin ang bawat sulok dito, madami kang madidiskubre.”
Gusto kong maniwala sa kanya nang sabihin niya iyon. Isa ba ako sa mga bagong nadiskubre niya sa lugar na ito?

Kasabay ng ingay ng ulan ang ingay ng aming tawanan. Habang hindi pa tumitila ang ulan ay nag-usap pa kami tungkol sa maraming bagay. Unti-unti naming nakilala ang isa’t isa; parang mga batang ngayon lang nagkita. Ano ba naman ang magagawa namin sa ilang minuto naming nakaupo sa hagdan sa harap ng isang saradong gusali sa aming unibersidad habang ayaw pang tumigil ng ulan?

Gabi na nang humina ang ulan.
“Mukhang kailangan na nating umuwi,” tugon niya habang pinapanood ang pagpatak ng tubig mula sa bubong ng aming sinisulungan.
Inabot kami ng gabi sa pakikipag-usap, pero bakit pakiramdam ko ay sobrang sandali lang ng lahat ng mga nangyari?
“Ano, maiwan ka dito?” biro niya sa akin nang hindi pa ako tumatayo. “Hindi ka pa ba hinahanap sa inyo?”
“‘Yun na nga eh,” sabi ko. “Sabay na tayo dun sa sakayan.”
“Uh, sige.”
Nagmadaling siyang lumakad palayo kaya naiwan niya tuloy ang sweater niyang nakasabit.
“Psst, sweater mo naiwan mo!”
Mukhang hindi niya ako narinig kaya dinala ko na lang ang sweater niyang natuyo na sa tagal naming nandoon.

Sabay naming nilakad ang basang kalsada papunta sa sakayan ng jeep. Sinuot ko sa likod niya ang kanyang sweater at saka tumabi sa kanya sa paglakad.
“Uh, may tanong ako,” sabi ko sa kanya.
“Ano ‘yun?”
“Bakit ka nga pala nagyoyosi?”
“Ahh, basta.”
“Anong basta?”
“Basta may dahilan.”
“Ano naman ‘yung dahilan na iyon?”
“Malalaman mo rin.”

Nang makarating na kami sa tabi ng kalsada kung saan kami pwedeng sumakay ng jeep. Habang naghihintay ay kumuha siya ulit ng sigarilyo sa kanyang bulsa at sinindihan ito gamit ang ubos na lighter na ginamit niya kanina.
“Yosi nanaman?” nasabi ko.
“Eh, gusto ko eh,” sabi niya sa’kin. “Pakialam mo ba?”
Hindi ko na lang siya pinansin at tumingin na lang sa malayo. Dumungaw na lang ako sa kalsada upang tignan kung may paparating nang jeep.
“Uhm, ano… Pwede ko ba makuha ang number mo?” tinanong ko na sa kanya bago ko pa makalimutan. “Baka kasi hindi na tayo magkita ulit eh.”
Inangat niya ang kanyang palad sa harap ko. Hindi ko naintindihan kung ano ang gusto niyang iparating sa akin.
“Ha?”
“Akin na cellphone mo sabi ko,” sabi niya. “Sulat ko number ko. Gusto mo kunin number ko, ‘di ba?”
“Ahh, oo. Teka lang.”
Kinuha ko ang cellphone ko sa bag ko at iniabot ito sa kanya. Sinulat niya ang number niya at ibinalik ito sa’kin pagkatapos.
“Ayan. Kahit ‘wag ka nang magpakilala.”
“Ha? Bakit?”
“Basta. ‘Pag may nagtext sa’kin bukas, alam kong ikaw iyon.”
Nang sabihin niya iyon, natanong ko sa sarili ko kung may kumakausap ba talaga sa kanya. At saka bakit parang napakadali naman ibinigay ang number niya sa akin? Kailangan ba niya ng bagong makakausap? O kaya lang naman niya ginawa iyon dahil nahihiya siyang tanggihan ako?

Naunang dumating ang jeep na papunta sa lugar niya. Pinara niya ang papalapit na jeep at muling humithit sa yosi niya bago siya sumakay. Ngunit hindi pa nauubos ang sigarilyong hawak niya kaya iniabot niya ito sa akin.
“Sa’yo na ‘yan.”
“Sinabi ko naman sa’yong hindi ako naninigarilyo eh.”
“Subukan mo,” pagpilit niya. “Masarap ‘yan. Iyan ‘yung paborito kong brand ng yosi.”
Tinitigan ko lang ang umuusok na sigarilyo na hawak ko ngayon sa mga daliri ko.
“O sige, babay na!” nginitian niya ako bago siya sumakay sa jeep.
“Ingat ka.”
Dumungaw siya sa bintana at nilabas ang dila niya. Ngumiti na lang ako sa kanyang ginawa. Mukhang hindi ata alam ng babaeng ‘to kung paano magpaalam nang maayos.

Umarangkada na ang jeep at na sinakyan niya at naiwan ako sa tabi ng basang kalsada hawak ang sigarilyong ibinigay niya.
“Ano naman ang gagawin ko dito?” tanong ko sa sarili ko.
Tinapon ko na lang ito sa tabi ko at tinapakan para patayin ang sindi nito.

Noong araw na iyon ay hindi ko sinasadyang masindihan ang isang sigarilyo. Isang yosi na sumisimbolo sa aming pagkakaibigan. Masarap, nakagiginhawa, at nakapagpapakalma.


Hithit.

Kinwento ko sa mga kaibigan ko ang tungkol sa babaeng nakilala ko nung isang araw. Nagulat sila dahil hindi nila inaasahang makikipagkaibigan ako sa isang babaeng mahilig magyosi. Sinabi ko na lang sa kanila na pinagbigyan ko lang ang pagkakataon na makakilala ng isang bagong kaibigan.
“Sus, chicks kasi kaya mo pinatulan eh,” asar ng isa kong kaibigan.
Oo, inaamin kong maganda siya. Pero hindi lang naman ang kagandahan niya ang naging dahilan ng pagkabighani ko sa kanya.

Tinext ko siya nung araw na iyon. Hindi na ako nagpakilala tulad ng sinabi niya sa akin kagabi. Ilang saglit pa lamang ay nakatanggap na ako kaagad ng reply.
Uy, ikaw pala ‘yan. Akala ko hindi ka na magtetext. Kumusta biyahe mo kagabi? Nakauwi ka ba kaagad pag-alis ko?” text niya sa akin.
Nakilala nga niya ako kahit hindi ko na sinabi kung sino ako.
Ayos lang naman. Nakauwi naman ako kaagad.
Ahh, buti naman.
Hindi ako sanay na nakikipag-usap lalo na sa mga taong sandali ko pa lang nakikilala. Palakaibigan naman akong tao, pero bakit nahihiya ako kapag siya ang kausap ko?
Ano’ng ginagawa mo ngayon?” tanong ko sa kanya.
Wala naman. Nakahiga lang sa kama. Nangangarap.
Ano naman iyang pinapangarap mo?
Lumipad.
Sus. Wala kang mararating kung nakahiga ka lang diyan sa kama mo.
Edi saka ko na gagawin kapag bumangon na ako dito.
Tanghali na ah, hindi ka pa rin ata bumabangon diyan sa higaan mo.
Haha! Hindi pa nga.
Wala na akong maisip na pwedeng sabihin para ituloy sa pag-uusap namin.
Ikaw?” nakatanggap ako ng text galing sa kanya. “Ano pala ang pangarap mo?
Buti na lang at marunong siya kung paano makipag-usap.
Ako? Pangarap kong libutin ang buong Pilipinas.
Ay, madali lang iyan. Gusto mo samahan pa kita?
Kaso wala pa akong pera sa ngayon kaya hindi ko pa magagawa iyon.
Kahit hindi ka na gumastos. Ako na ang bahala.
Hindi ko alam kung nilalandi ba niya ako o sinusubukan lang niya akong patawanin. Kung ano man ang kanyang ginagawa, hindi naman siya nabigo sa paglagay ng ngiti sa aking mukha.

Ilang linggo kaming nakipag-usap sa cellphone. Paminsan-minsan ay inaaya ko siyang lumabas upang mamasyal. Kung saan-saan kami nakakarating sa Maynila. Nakarating na kami sa Monumento, sa Cubao, sa Fairview, sa Ayala, sa Alabang… Parang hindi siya napapagod na dalhin ako kahit saan. Hindi ko siya maintindihan. Bakit niya ako dinadala kung saan-saan? Bakit napakasaya niya sa tuwing kasama niya ako? Bakit pati ako natutuwa sa ginagawa niya?

Sa bawat lugar na pinupuntahan namin, hindi mawawala ang oras na aalis muna siya at magyoyosi sa isang tabi. Palagi nangyayari iyon. Sa isang araw, makakalimang hinto kami para lang makapagyosi siya. Hindi pa kasama diyan ang paninigarilyo niya habang hinihintay ako o pauwi na kaming dalawa. Nahihiya naman akong sabihan siya na tigilan muna ang pagyoyosi sa tuwing magkasama kami kaso baka isipin niya na ayaw ko sa kanya at pinagtatabuyan ko siya kaya hinahayaan ko na lang siya at hinihintay kahit ang tagal ng labing-limang minuto ng paninigarilyo niya.

“Uh, may tanong ulit ako,” sinabi ko sa kanya.
“Ano nanaman ‘yun?”
“Bakit napakahilig mong magyosi?”
“Natanong mo na sa’kin iyan dati ah.”
“Oo, pero ‘di mo naman sinagot ‘yung tanong ko.”
“Ay, ganun ba? Hmm… Bakit nga ba?”
Kumuha siya ng isang stick ng sigarilyo at sinindihan ito.
“May matagal na kasi akong gustong gawin.”
“Ha?”

Humithit siya nang malalim sa kanyang sigarilyo at inipon ang usok sa bunganga niya. Medyo nandiri ako sa ginawa niya. Ano nanaman ba ang gagawin niya sa maduming usok diyan sa bunganga niya?

Ilang segundo pa ay hinawakan niya ang ulo ko at hinalikan niya ang mga labi ko. Dahan-dahang lumabas ang usok sa mga butas ng aking ilong habang kami’y magkahalikan. Nawala ang pandidiri ko sa kanya nang maramdaman ko ang malambot niyang labing nakadampi sa nguso ko. Hindi ako nandiri; nasarapan pa nga ako.

Pakiramdam ko, hindi usok ang tumatagos sa aking katawaan noong mga sandaling iyon kundi ang kanya mismong kaluluwa. Naramdaman ko ang lahat ng sakit na matagal na niyang gustong kalimutan. Naramdaman ko ang init na matagal na niyang gustong iparamdam sa akin. Naipakilala na niya sa’kin kung sino siya. Tanggap ko na ngayon kung ano nga ba talaga siya.

Tinitigan namin ang isa’t isa sa mga mata na tila hindi namin alam kung ano nga ba ang nangyari.
“Iyon na ba iyon?” tanong ko sa kanya.
“Oo,” sagot niya sa’kin. “Bakit, gusto mo pa ba?”
Sa isip-isip ko, tinatanong ko na ang sarili ko kung nagbibiro ba siya o hindi.
“Uhm, ano kasi…”
“Nandidiri ka sa mga katulad ko, hindi ba? Pero bakit mo ako hinayaang halikan ka?”
Hindi ako makasagot dahil hindi ko naman siya napigilan sa bilis ng pangyayari. Hinintay niya akong sumagot, pero walang salita ang lumabas sa bibig ko.

Binitawan niya na ang ulo ko at napayuko nang siya’y umatras.
“Sorry,” bulong niya. “Aalis na ako.”
“Teka, sandali,” hinawakan ko ang kanyang braso. “Saan ka pupunta?”
“Basta.”
Inalis niya ang kamay ko sa braso niya at mabilis na naglakad papalayo. Hindi ko na siya hinabol at hinayaan na lamang siyang umalis.

Madaming tanong ang umikot sa aking isipan. Bakit niya ako hinalikan? Ano ang nais niyang iparating sa akin? Bakit hindi niya pa rin kayang magpaalam nang maayos bago siya umalis? Isa siyang misteryo. Hindi ko alam.

Pero kung may isang tao na gustong humalik sa kanya nang paulit-ulit, ako iyon; kahit gaano pa kadungis at puno ng usok ang bunganga niya. Kahit siya na lang ang palagi kong hihithitin buong araw; huwag na ang sigarilyo na baka ikamatay ko pa.


Taktak.

Napakatahimik ng tanghali ko, isang araw. Nakahiga lang ako sa kama at nakatingin sa mga makakapal na ulap sa labas ng bintana ng kwarto ko. Malayang lumilipad ang mga kalapati sa ere kasabay ang malaking eroplanong higit pang mas mataas ang lipad sa kanila. Kaso nababagot na ako. Gusto ko na siyang makasama ulit. Ano kaya ang ginagawa niya ngayon?

Hindi pa rin ako makapaniwala hanggang ngayon na nakipagkaibigan ako sa isang taong kinaaayawan ko. At lalong hindi ako makapaniwala na hinalikan ako ng isang taong kinaaayawan ko.  Nasa isip pa rin kaya niya ang tungkol dun? Kinuha ko ang cellphone ko para tawagan siya. Sana naman sagutin niya.

Ilang beses niyang hindi sinagot ang mga tawag ko.
“Masyado ata siyang naapektuhan tungkol dun sa nangyari nung isang araw.”
Sinubukan ko siyang tawagin ulit. Baka sakaling makonsensya na siya at sagutin na ang tawag ko.
Hello?
“Uh, hi!”
Pasensya ka na kung hindi ko sinasagot ang mga tawag mo ha. Medyo busy lang kasi ako kanina.
“Ahh, okay lang. Busy ka pa rin ba ngayon?”
Hindi na,” sagot niya. “Bakit?
“Yayayain sana kitang mamasyal ulit, okay lang ba sa’yo?”
Okay lang. Saan ba?
“Dun sa bagong bukas na mall malapit sa school natin. Gusto mo ba dun?”
Ayaw ko dun. ‘Di ko trip pumunta sa mga mall.
“Saan mo gusto?”
Hmm…

Nagkita kami sa harap ng malaking mapa ng Pilipinas doon sa Luneta. Doon niya raw kasi gustong mamasyal.
“Bakit dito mo naman gustong makipagkita?” tanong ko sa kanya.
“‘Di ba sabi mo, pangarap mong malibot ang buong Pilipinas?” pangiti niyang sinabi sa’kin. “Pwes, andito na tayo!”
Natawa ako sa kanya habang inaalog niya ang kanyang mga kamay na nakatapat sa bahaging iyon ng liwasan. Alam kong nagbibiro lang siya, pero napakalaking bagay na ang kanyang ginawa para sa’kin.
“Totoo ngang hindi ko na kailangan pang gumastos para libutin ang buong Pilipinas.”
“Ano? Tara na!” hinawakan niya ang kamay ko.
“Saglit lang.”
“Bakit?”
“Pwede ba akong humingi ng pabor sa’yo?” sabi ko sa kanya.
“Ano naman iyon?”
“Pwede bang kahit ngayong araw lang na ‘to, huwag kang magyoyosi,” bilin ko. “Kaya mo ba iyon?”
“Try ko,” pabiro siyang ngumiti. “Sana magawa ko.”
Duda ako sa sagot niya, pero may tiwala naman ako sa kanyang magagawa niya iyon.

Ilang oras kaming naglakad-lakad sa palibot ng Luneta at sinulit ang ganda ng liwasan kahit malapit nang dumilim. Himala at napansin kong hindi kami tumigil nung araw na iyon para lang makapagyosi siya. Hindi ko aakalaing sa simpleng pabor lang na iyon ay titigilan niya ang isang bagay na nakasanayan na niya. Tinapos namin ang aming pamamasyal sa Baywalk kung saan namin pinanood ang nakakabighaning paglubog ng araw.

Kahit na naging masaya ang araw na iyon para sa aming dalawa, napansin kong may bahid ng lungkot sa kanyang mga mata. Hindi kaya siya nasiyahan sa mga nangyari ngayong araw na ‘to? Nakaisip ako ng paraan upang ibalik ang ngiti sa kanyang mukha.

Dinala ko siya sa isang mall malapit sa amin noong gabing iyon at pumunta sa tindahan ng mga lighter. Iba’t ibang disenyo ang nakadisplay sa tindahan at hindi ako makapili ng pwede kong ibigay sa kanya na magugustuhan niya.
“Pili ka diyan,” tinuro ko ang mga lighter na nakadisplay.
“Bakit?” nagtaka siya. “Bibilhan mo ba ako niyan?”
“Oo, kaya nga pinapapili kita kasi hindi ko alam kung alin ang magugustuhan mo diyan eh.”
“Kahit alin naman diyan ang ibigay mo sa’kin, matutuwa ako eh.”
“O, sige. Eto na lang.”
Pinili ko ang bakal na lighter na may disenyo na Hello Kitty™ at iyon ang ibinigay ko sa kanya.
“Bakit mo naman ako binilhan ng lighter?” tanong niya sa’kin nang iabot ko sa kanya ang binili kong lighter para sa kanya.
“Binilhan na kita ng lighter bago ka pa mainis kapag naubos na ang gas ng lighter mo.”
“Edi gas na lang sana ang binili mo,” bara niya sa’kin. “Marunong naman akong maglagay nun eh.”
“Hindi ka ba natutuwa diyan sa binigay ko?”
“Eto naman, hindi mabiro,” siniko niya ako. “Syempre nagustuhan ko.”
Pasimple niyang tinago ang pagngiti niya.
“Akala ko ba galit ka sa mga naninigarilyo?” naitanong niya sa’kin.
“Kung paninigarilyo lang naman ang tanging nakakapagpaligaya sa’yo, hahayaan na lang kitang maging masaya diyan sa ginagawa mo.”
Itinago niya na ang lighter sa kanyang bulsa.
“Salamat,” ngumiti siya.
“Walang anuman,” sumabay ako sa ngiti niya.

Dis-oras na ng gabi, pero magkasama pa rin kaming nakatambay sa labas ng mall at nagaabang ng jeep na masasakyan. Pasara na ang mga kapihan at inuman sa likod namin, pero andun pa rin kami at nakatayo; naghihintay sa sasakyan na dadalhin kami sa uuwian naming tahanan.
“Wala naman tayong masasakyang jeep ngayon,” sabi niya sa’kin.
“Maghintay ka lang, may darating din diyan,” sabi ko sa kanya.

Sa pagkabagot ay kumuha na siya ng isang stick ng sigarilyo mula sa kanyang kaha at saka ito sinindihan gamit ang bakal na lighter na binigay ko sa kanya. Ramdam ko ang paggaan ng kanyang loob sa unang buga ng usok na lumabas sa kanyang bibig. Pero parang bumigat muli ang loob niya at hindi na muling humithit. Siya ay napatulala sa isang gilid na tila malalim ang kanyang iniisip.
“Alam mo ba kung bakit ako nagyoyosi?” tanong niya sa’kin.
“Natanong ko na iyan sa’yo dati,” sabi ko. “Kaso palaging basta ang sinasagot mo sa’kin.”
“Eto na nga, sasabihin ko na nga sa’yo kung bakit.”
“Oh, bakit nga?”
“Sa tingin mo, bakit nagyoyosi ang mga sawi?”
“Para makalimot…?”
Tumango siya at sinabing, “Oo.”

Parang hindi ako natuwa nang malaman ko ang sagot niya. Inaasahan ko na iyon lagi ang tamang sagot sa tuwing tinatanong ko siya kung bakit. Hindi na ako magugulat kung iyon nga ang tunay na dahilan.
“Bakit?” tanong niya. “Hindi ka ba naniniwala?”
Napansin niya ang pagkaduda sa aking mukha.
“Akala ko kasi may iba ka pang dahilan kaya ka nagyoyosi eh.”
“Sa tingin mo ba may iba pa akong dapat na dahilan para magyosi?”
“Hindi naman.”
“‘Yun naman pala eh.”
“Eh ano naman ang gusto mong makalimutan?”
Matagal siyang tumahimik bago siya sumagot.
“Ang mundong ito. Lahat ng nandito.”
Nabigla ako sa sagot niya. Hindi ako makapaniwala na ang isang masayahing tao na tulad niya ay gustong makalimutan ang mundong nakapagbibigay ng saya sa kanya.

Napansin ko ang pighati sa kanyang mga mata. Napansin kong seryoso nga siya sa sinasabi niya. Naramdaman ko ang galit niya na matagal na niyang gustong ilabas.
“Bakit naman?” ang tanging tanong na lumabas sa bibig ko.
“Malupit ang mundo. Kung alam mo lang.”
“Ha?”
“Basta. Hindi mo ako maiintindihan. Wala naman kasing nakakaintindi sa’kin eh. Buti pa ang yosi, alam kung paano patahanin ang mga luha ko.”
Nagsimula nang pumatak ang luha sa kanyang mga mata.
“Kaya lang naman talaga ako naninigarilyo kasi gusto ko nang mamatay!”
“Hindi mo ba naisip na may nadadamay diyan sa ginagawa mo?”
“Sino naman? ‘Yung mga nakakalanghap ng usok na binubuga ko?”
“Hindi,” tumingin ako sa kanya. “Ako.”
Napatingin siya sa akin.
“Ha?” pagtataka niya. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
Huminga ako nang malalim.
“Mahal kita.”
Nanahimik siya at tumingin sa aking mga mata. Parang hindi siya naniniwala sa sinabi ko.
“Oo, tama ang narinig mo. Mahal kita,” pinagpatuloy ko. “Handa akong intindihin kung sino ka. Handa akong maging yosi na tatahan sa iyong mga luha. Handa akong maging yosi na pwede mong halik-halikan sa tuwing wala ka nang magustuhan sa mundong ito. Oo, galit ako sa mga katulad mo, pero iba ka sa kanila.”
“Mali ka,” bulong niya sa’kin. “Katulad lang din naman nila ako. Kaya huwag mo akong lokohin diyan sa mga sinasabi mo. Huwag mong pahirapan ang sarili mo na tanggapin ako kung titiisin mo lang naman ako.”
Walang lumabas na salita sa aking bibig. Sinubukan kong intindihin kung ano ang nais niyang iparating, pero ayaw kong saktan ang aking damdamin sa kaiisip na hindi niya pala talaga ako mahal.
“At saka, paano mo naman nasabi na mahal mo ako?” pinagpatuloy niya. “Ganoon mo na ba ako kalubos na kilala?”
“Bakit, hindi mo rin ba ako mahal? Halata naman kasi na napakabait mo sa’kin at napakasaya mo sa tuwing kasama mo ako. Hindi pa ba sapat iyon na dahilan para mahalin kita?”
“Porke ba mabait ako sa’yo at masaya ako sa tuwing kasama kita, ibig sabihin na ba nun, mahal na rin kita?”
“Bakit, ganun rin ba ang turing mo sa iba?”
“Hindi. Sa’yo lang ako ganun. Pero hindi ibig sabihin nun na mahal na kita kaagad. Oo, gusto rin kita. Pero sa tingin ko, tutol sa atin ang mundo. Hindi nga ako makapaniwala na ang isang taong pinandidirihan ang mga katulad ko ay magkakagusto sa akin at mamahalin ako. Hindi rin ako makapaniwala na nakipagkaibigan ako sa’yo; ako na galit sa maraming bagay sa mundo. Hindi ka ba nalulula sa dami ng mga hadlang sa ating dalawa? Alam mo, hindi pwede eh. Hindi talaga pwede.”
Yumuko siya at tumingin sa malayo. Hawak niya pa rin ang yosi niyang patuloy pa rin sa pag-usok.

Sa tagal naming nag-usap, hindi niya napansin na mahaba na ang abo na nakakabit sa kanyang yosi.
“Tsk, sayang naman,” siya ay ngumiwi.
Tinaktak niya ang abo at muling humithit. Hindi na niya inubos ang kanyang sigarilyo at itinapon na lamang ito sa lupa at saka niya ito tinapakan. Nagtaka ako dahil lagi naman niyang inuubos ang yosi niya sa tuwing nakikita ko siyang naninigarilyo.
“Hindi mo na inubos iyang yosi mo ah,” sabi ko sa kanya.
“May ipinangako nga pala ako sa’yo kanina,” sabi niya. “Pasensya na kung nakalimutan ko. Hindi ko kasi matiis eh.”
“Okay lang. Sinusubukan lang kita kung kaya mong tumupad sa pangako. Tanggap ko na rin naman na mahilig kang magyosi kaya hindi na kita pipigilan.”

Maya-maya pa ay naglakad na lang siya bigla papalayo. Laman ng kanyang mga bulsa ang kanyang mga kamay na giniginaw na sa lamig ng gabi.
“Uy, saan ka pupunta?” tinawag ko siya.
“Maglalakad na lang ako pauwi,” sigaw niya sa’kin habang patuloy siya sa paglakad.
“Gabi na, baka mapahamak ka pa.”
Hindi niya ako pinansin. Kahit kailan talaga ay bigla na lang niya akong iniiwan nang hindi man lang nagpapaalam nang maayos.
“Bumalik ka nga dito!”
Dire-diretso siya ng paglalakad at hindi niya napansin ang paparating na motorsiklong humaharurot sa kalsada habang siya’y tumatawid. Agad ko siyang hinabol at hinila ang kanyang braso bago pa siya masagasaan ng motorsiklo.
“Hoy, tumingin ka muna sa kalsada bago ka tumawid!” sigaw ng nagmamaneho ng motorsiklo.
“Pasensya na po, manong,” paumanhin ko sa nagmamaneho. “Inaantok na po kasi ‘tong kasama ko eh. Ingat po kayo! Pasensya na po ulit.”
“Mga kabataan talaga ngayon, gabi na gumagala pa.”

Humarurot na muli palayo ang motorsiklong muntik nang sumagasa sa kanya. Humarap ako sa kanya at hinawakan ang mga balikat niya.
“Ano naman ‘yung ginawa mo?” sinigawan ko siya. “Nawawala ka nanaman sa sarili mo.”
“Nakita mo ba iyon?” tinanong niya sa akin. “Nagalit siya sa’kin, ‘di ba?”
“Oo. Pero kaya naman siya nagalit kasi hindi mo pinapansin ‘yang paligid mo bago ka gumalaw.”
“Lahat na lang sila nagagalit sa’kin kapag mali ang ginagawa ko. Ganun na lang ba dapat ang palaging mangyari?”
Hindi na ako nakapagsalita matapos kong marinig iyon dahil hindi ko naman alam kung paano sagutin ang ganoong klaseng pahayag. Huminga ako nang malalim at naisip kung handa na nga ba talaga ako na tanggapin ang babaeng nasa harap ko.
“Umuwi na tayo, please,”mahina niyang ibinulong sa makin. “Ayoko na dito. Umuwi na tayo.”
Niyakap ko siya at hinaplos ang kanyang ulo.
“Sige, uuwi na tayo. Basta ‘wag mo nang gagawin ulit ‘yung ginawa mo kanina, ha?”
“Wala naman akong sinabing yakapin mo ako eh. Ang sabi ko, uwi na tayo.”
Natawa na lang ako sa sinabi niya. Iyon ang unang beses na nayakap ko siya. At marahil ay iyon na rin ang huling pagkakataon na mararamdaman ko ang init niya.

Pakiramdam ko, humaba na rin ang abo sa buhay niya. Kung kasing dali lang sana ng pagtaktak ng abo ng sigarilyo ang pag-alis ng mga problema sa buhay niya, matagal ko nang ginawa iyon; maadik man ako sa kahihithit sa kanya.


Buga.

Hindi naging madali ang takbo ng aming relasyon bilang magkaibigan pagkatapos ng gabing iyon. Nagpapansinan pa rin kaming dalawa, pero halata nang naiilang na siya sa akin sa tuwing kami’y magkasama. Ito ba’y dahil baka isipin ko pa rin na may gusto siya sa akin kapag may ginagawa siyang kakaiba?

Napansin kong paminsan-minsan na lang siya kung magyosi. Hindi na tulad ng dati kung kailan bawat oras ay kailangan niyang magpausok. Madalas siyang natatahimik sa isang tabi na tila malalim ang kanyang iniisip. Ano kaya ang nasa isipan niya noong mga panahong iyon? Wala naman siyang nasasabi sa’kin tungkol sa mga pinoproblema niya. Kapag tinatanong ko siya, ngumingiti lang siya at sinasabing, “Wala. Basta.”

Isang gabi ay tumawag siya sa aking cellphone. Ano naman ang nakain niya at tumawag siya sa akin kung kailan ala una na ng umaga at nahihimbing na ako sa pagtulog ko?
“Hello? Bakit ka napatawag?”
Napakatahimik ng linya at wala akong ibang marinig. Nasaan kaya siya ngayon?
Hello. Sorry sa istorbo. Nasira ko ba ang panaginip mo?
“Hindi naman. Bakit, may problema ka ba ngayon?”
Kumusta na nga pala ‘yung thesis mo?
“Ahh, iyon ba? Pasado naman siya. May posibilidad nga na pwede ko siyang i-present sa ibang bansa eh.”
Ahh, ganun ba? Sayang naman, mukhang hindi na kita mapapanood dun sa presentation mong iyon.
“Ha? Ano’ng ibig mong sabihin?”
Naaalala mo ‘yung sinabi ko sa’yong pangarap ko noon?
“‘Yung pangarap mong lumipad?”
Oo, ‘yun na nga.
“Oh, bakit mo ano’ng meron ngayon?”
Pwes, bumangon na ako sa kama at sinubukang tuparin iyon.
Nagising ang diwa ko sa sinabi niya. Bumilis ang tibok ng puso ko. May binabalak ba siyang gawin ngayong gabi?
“Ano’ng ginagawa mo? Nasaan ka ngayon?”
Napakalamig ng simoy ng hangin. Parang gusto kong sumabay sa pag-ihip ng mga ulap.
“Sabihin mo nga sa akin kung nasaan ka ngayon? Pupuntahan kita diyan.”
Huwag kang mag-alala, okay lang ako. Gusto ko lang na kausapin ka ngayon.
Narinig ko mula sa kabilang linya ang pagdaan ng isang eroplano. Parang may ideya na ako kung nasaan siya ngayon.
“Nasa airport ka ba ngayon?”
Porke ba may narinig kang eroplanong dumaan, ibig sabihin ba nun nasa airport na ako? Hindi ba pwedeng nasa mataas na lugar lang?
“Huwag kang magbiro ng ganyan. Masamang biro ‘yan.”

Hindi niya inalintana ang pag-aalala ko sa kanya. Pakiramdam ko talaga ay nasa panganib siya ngayon at ilang segundo na lang ay bigla na lang siya mawawala. Pero para bang normal na lang sa kanya ang ginagawa niya. Walang halong takot. Walang halong kaba. O baka tinatago lang niya ang lungkot na kanyang nadarama.
“Tatanungin kita ulit. May problema ba?”
Hindi ka na ba nasanay? Gabi-gabi naman tayong nag-uusap, hindi ba? Inaabot pa nga tayo ng umaga minsan eh.
“Pakiramdam ko lang naman.”
Dinig ko ang malalim niyang paghinga.
Ayoko na.
“Ha? Ano’ng ayaw mo na?”
Ayaw ko na ng ganito. ‘Yung araw-araw akong binabagabag ng mga problema ko. Hindi ko na kaya eh. Masyado nang masakit ang ulo ko.
“Sinabi ko naman kasi sa’yo na nandito lang naman ako para pagsabihan mo ng mga problema eh. Handa naman akong ayusin ang mga iyon para sa’yo.”
Hindi ka naman sigarilyo na pwede kong hithitin lang nang hithitin kapag nawawala na ako sa sarili. Tao ka lang at hindi sa lahat ng pagkakataon ay nasa tabi kita.
“Hindi man ako sigarilyo na kaya mong bilhin kung saan-saan, handa naman kong tabihan ka at damayan ka sa kahit anong oras na gusto mo.”
Eh bakit wala ka sa tabi ko ngayon? Ngayon kung kailan kailangan ko ang pagdamay mo. Ngayon kung kailan kailangan kita?
“Ano? Hindi kita maintindihan.”
Iyan din ang sinabi nila sa’kin nung kinailangan ko sila.
Tumagos sa aking puso ang sinabi niya.
Pati ba naman ikaw, sasabihin iyan?” pinagpatuloy niya. “Ikaw na nangakong iintindihin ako kahit ano man ang mangyari? Halos araw-araw mo naman akong nakikita, pero hindi mo napapansin na sa likod ng mga ngiti na ipinapakita ko sa iyo ay ang isang babaeng kinakain na ng kalungkutang bumabalot sa kanya?
“Sorry na.”
Wala na. Huli ka na. Akala ko pa naman ikaw na ‘yung lalaking sa wakas ay makakatanggap sa kung sino ako. Katulad ka rin naman pala nila. Tiniis mo lang din pala ako.
Wala akong nasabi.
Hindi ako baliw ha. Malungkot lang.

Unti-unting sumagi sa isip ko kung anong klaseng tao nga ba siya. Katulad lang din natin siyang binabangungot ng kanyang mga problema. Kaso, iba siya. Mahina lang ang kanyang loob kaya hindi na mahirap para sa kanya ang sumuko. Hindi ko namalayan na sa bawat oras na makikita niya akong masaya ay gumagaan ang loob niya at sinasabi niya sa kanyang sarili na huwag munang mawala dahil ayaw niya akong maulila. Sinubukan niyang mapalapit sa akin kahit na ayaw ko sa isang katulad niya. Pero nahirapan pa rin akong tanggapin kung sino siya talaga sa kabila ng sayang ipinaparamdam niya.

O siya, aalis na ako.
“Saan ka pupunta?”
Kung saan madalas napupunta ang mga katulad kong mahilig magyosi.
“Isama mo na ako. Ayaw ko na rin dito.”
Huwag na. Hindi mo rin naman magugustuhan ang lugar na iyon. Hindi ka pwede dun.
Bakit pakiramdam ko ay wala nang ibang paraan para masagip ko pa siya? Bakit hindi niya ako hinahayaang tulungan siya? Ganoon na lang ba talaga kadali ang sumuko para sa kanya?
Ayan ah, nakapagpaalam na ako sa’yo ng maayos. Sana naman matuwa ka na sa’kin. Kahit ngayon lang. Paalam.
“Teka, sandali lang…”
Hindi na siya nagsalita ulit at ibinaba na niya agad ang telepono.
“Hello? Andyan ka pa ba?”
Nang mga sandaling iyon, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Sinubukan ko siyang tawagan ngunit wala nang sumasagot sa telepono. Hindi ko masabi kung ano ang nangyari sa kanya. Hindi ko alam kung saan siya nagpunta. Basta ang alam ko, wala na siya.

At iyon na ang naging huling buga niya. Kumbaga sa sigarilyo, ubos na ang tabako niya; naging abo na. Ang tanging naiwan lang ay ang upos na hindi ko na alam kung magagamit ko pa.


Sindi. Hithit. Taktak. Buga.

Sinubukan kong magyosi, pero ibang klaseng yosi ang nasubukan ko. Sa lahat ng yosing nasubukan ko, iisa lang ang naging paborito ko. Ibang klase kasi ang tama niya sa akin. Sa tuwing hahalik ako sa kanya at hihithitin ang usok niyang malamig sa lalamunan, nawawala ang mga problema ko. Nakakalimutan ko kung gaano kalupit ang mundo sa tuwing hawak ko siya sa kamay ko.

Inaamin kong naging adik ako sa yosing iyon. Pero nawala sa isip ko na maikli lang naman pala ang buhay ng yosing hawak ko. Hindi ko namalayan na sa bawat minutong sumasaya ako, umiikli na pala ang buhay niya. Unti-unti niyang sinasakripisyo ang buhay niya para lang mapasaya ako. Kaso ang kasiyahang ibinigay niya sa’kin ay panandalian lamang.

Hindi naman ako nagyoyosi, pero iyon ang naging kamatayan ko. Hithitin ko man ang upos ng sigarilyong ubos na, hindi ko na malalasap ang tamis ng usok niya.


Featured image by GUWEIZ


Like our Facebook page: fb.com/KahaponPaAkoGising

Advertisements

Leave a Comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s