Kape Nanaman Ba?

Ilang tula na ba tungkol sa kape ang nabasa mo?
Sawang sawa ka na ba sa mga nakikita mo?
Paulit-ulit na lang ba ang mga hugot na sinasabi nila?
Ano ba ang ginawa ng kape sa kanila at pati yun ay dinamay nila?

Siguro kape ang dahilan kung bakit sila nagkakilala.
“Halika, kape tayo,” sabi ng isa.
Susunod naman siya.
At dun na magsisimula.

Siguro kape ang dahilan kung bakit gising pa rin sila hanggang umaga.
“Tulungan mo naman akong tapusin ‘tong ginagawa ko.”
Tutulong naman siya.
At magpupuyat sila hanggang umaga.

Ang lakas naman pala ng tama ng kape.
Kaya kang pasunurin ng kung sino mang nag-aya sa’yong uminom nito.
Kaya tuloy pati ikaw nauto ng inuming ito.

Ano ngayon kung malamig na ang kape?
Ganun naman talaga ang nangyayari kapag pinabayaan lang iyan, ‘di ba?

Ano ngayon kung mapait pala ang kape?
Sino ba naman kasi itong nagtimpla at hindi nilagyan ng tamis na kinakailangan pala niya?

Bakit ka nagpapakahirap sa kapeng sobrang mahal kung meron namang mas malasa na mura pa?
Siguro hindi mo naman kasi kakailanganin ang labing-isang matitira sa isang dosenang paketeng bibilhin mo.

Hindi ka pumapasok sa trabaho para lang magkape.
Hindi ka pumapasok sa trabaho dahil lang sa kape.
Hindi ka pumapasok sa trabaho para lang sa kape.

Ano nga ba ang kape?
Panulak?
Pampagising?
Pampakaba?
Pampainit?
Nako, iba na ata ang iyong iniisip.

Hipan mo kasi muna bago mo sipsipin.
Mapapaso ka lalo pag iyong mamadaliin.

Isawsaw mo kaya muna ‘yung tinapay mong matigas at isubo ito sa bunganga na may tumutulo pang kape.

Teka, tama na.
Iba na ang iniisip mo.
Mabalik tayo sa pinag-uusapan.
Pero ang alam ko, ‘di na mababalik ang “tayo.”

Kung nasusuka ka na, uminom ka ng kape.
Sabihin mo sa kanya na sukang-suka ka na sa mga ginagawa niya.

Kung inaantok ka na, uminom ka ng kape.
Sabihin mo sa kanya na inaantok ka na lang sa takbo ng relasyon niyo.

Kung nawawalan ka ng lakas ng loob, uminom ka ng kape.
Sabihin mo sa kanya na nawawalan ka na ng gana na ituloy pa kung ano ang meron kayo.

Kung giniginaw ka, uminom ka ng kape.
Sabihin mo sa kanya na giniginaw ka na sa relasyon niyong dalawa.

Kung sawang-sawa ka na sa kape, halika.
Dalhin mo ‘tong basong ‘to at itapon mo na lang ang laman nito sa kanya.

Ayan, masaya ka na?
Sana naman magising na siya.
Sa init ba naman nun, masusunog talaga ang mukha niya.

Gayunpaman, gumising ka na.
Gumising ka na sa katangahan mo.
Ilang baso na ng kape ang naubos mo.

Ayaw niya sa’yo.

Sige, inom pa.


Featured image by iampiasalguero

Advertisements

Leave a Comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s