Mga Tuping Pahina

“Naalala mo ba yung sinubukan mong ipagawa sa’kin noon?”

“Alin doon?”

“Yung pinasulat mo ako ng libro, kung saan ang main character ay unti-unting na-inlove sa reader nito?”

“Oh, nakapagsulat ka ba ng ganun?”

“Hindi, pero nakahanap ako ang librong ganoon.”

“Talaga? Kwento mo nga sa’kin ang nangyari.”

Isa siyang napakagandang aklat. Tuwing gabi ko lang siya nababasa dahil iyon lang ang tanging panahon na pwede ko siyang basahin. Saka ko lang kasi siya naiintindihan kapag hindi ako makatulog at kailangan ko ng mapagsasandalan.

Hindi siya isang pangkaraniwang aklat. Nakatira sa mundo ng aklat na ito ang isang nakabibighaning dilag na higit mo pang makikilala habang binabasa mo ang kanyang kwento. Mayroon siyang sariling damdamin. Minsan masaya. Minsan nasasaktan din. Madalas niyang ikwento sa akin ang mga masasayang araw niya sa mundong kanyang tinitirahan. Madalas niyang ikwento ang mga panahong siya’y huling umibig at naramdaman ang pagiging kuntento sa kanyang buhay. Ramdam ko ang tuwa sa kanyang ibinibigkas na mga salita habang ipinapamahagi niya ang kanyang kasiyahan sa akin. Tila nasa mundo niya na rin ako. Tila napamahal na ako sa kung sino siya talaga.

Isinama niya ako sa kanyang mga lakad. Dinala niya ako sa mga magagandang tanawin sa kanyang nayon. Ipinakita niya sa akin ang mga dahilan ng kaniyang kasiyahan. Ipinaranas niya sa akin ang mga ala-alang hindi ko malilimutan. Binigyan niya ng kulay ang mundo ko. Binigyan niya ng saysay ang buhay ko.

Kalaunan ay naikwento niya ang kanyang mga pagdadalamhati sa akin. Hindi ko maiwasang umiyak sa mapapait na karanasang kanyang sinapit. Nang minsan siya’y humagulgol sa harap ko, ako naman itong yumakap sa kanya. Niyakap ko ang aklat ng mundong tinitirahan niya. Bumahid ang luha sa mga tuyong pahina. Nang makita ko ang luhang pumapatak sa mga pahina ng aklat na hawak ko, nakita ko ang isang babaeng umiiyak na nangangailangan din ng masasandalan tulad ko. Pagtingin ko sa salamin, nakita ko ang isang babaeng yumayakap sa akin.

Ilang gabi akong napuyat sa pagbasa sa kanya. Ilang gabi akong nabuhay sa mundo niya. Ilang gabi kong inintindi ang nararamdaman niya. Ilang gabi ko minahal ang isang katulad niya. Iba ang kiliting kanyang nararamdaman sa bawat haplos ko sa kanyang mga pahina. Sa ganda ng kanyang pananalita, nawawala ako sa pagbasa. Kaya minsan, ang gabing dapat para sa aming dalawa ay nauuwi na lamang sa mahabang titigan.

Dumating ang araw kung saan kailangan ko nang ibalik ang aklat na iyon sa may-ari. Tahimik lang siya buong araw na iyon. Wala siyang salitang binitiwan. Hindi niya ako pinigilan. Alam naman niyang hahantong din sa ganito ang aming pinagsamahan. Siya naman itong ayaw akong lubayan. Alam kong marami akong nagawang kasalanan sa kanya, ngunit kailangan ko na talaga siyang ibalik at iwanan.

Muli kong ibinuklat ang librong hawak ko at pinagmasdan ang gandang inalay nito. Napagtanto ko na ang aklat na ito ang nagbigay ng liwanag sa aking madidilim na mga gabi. Na ang aklat na ito ang laging nandyan na nakaantabay sa akin sa tuwing ako’y nag-iisa. Sinabi ko sa sarili ko na napamahal na ako sa librong hawak ko. Isinara ko ang aklat at hinalikan ito. At sa huling pagkakataon ay binulong ko sa kanya, “Pasensya na, ngunit may nagmamay-ari talaga sa’yo.”

Hindi ko na muling nakita ang aklat na iyon. Marahil ay tinago na siya ng kaibigan kong hiniraman ko nun. Paminsan-minsan ay kinukumusta ko siya sa kaibigan kong iyon at inaalam ang kalagayan niya. Wala naman akong karapatan upang siya ay agawin, dahil sa una pa lang ay hindi naman siya akin. Mas lalo namang ‘di maganda kapag siya’y aking nanakawin, dahil maaaring ako’y mapagkamalang sakim. Pero minsan, minsan talaga, gusto ko lang siyang basahin nang paulit-ulit. Siya lamang ang librong hindi ko pagsasawaang basahin.

“Ang ganda naman ng kwento nun. Ireregalo mo ba sa’kin iyon?”

“Hindi na siguro. May mga tuping pahina pa akong naiwan sa kanya at kailangan ko pang tapusin iyon.”


Featured image by ____deniska


Also published on PSICOM’s REEDZ No. 3

16143685_402641730075542_6782455126974062846_o.jpg

Advertisements

Leave a Comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s