Panaginip

Kaninang madaling araw, nanaginip ako.

Ako raw ay naghihintay sa labas ng isang bahay na mayroong dala-dalang tatlong  mga rosas. Dahan-dahan akong lumapit sa pinto at huminga nang malalim. Itinaas ko ang aking kamao at kumatok sa pinto.

Bumukas ang pinto, at aking nakita ang isang magandang dilag na tila nabigla nang bigla niya akong makita.

Ika’y nasa loob at ako’y nasa labas. Lumabas sa pintuan ang init sa loob. Pumasok sa loob ang malamig na simoy ng hangin sa labas.

Ikaw at ako ay nagkatitigan. Walang imik sa isa’t isa. Pareho tayong hindi makapagsalita.

Ikaw at ako. Magkaharap sa pintuan. Ikaw at ako. Magkaharap sa kawalan.

Ilang sandali pa ay pinapasok mo ako sa iyong madilim na tahanan. Ako’y iyong pinaupo at ika’y dumiretso sa kusina upang ako’y paghandaan ng meryenda. Inilapag ko muna ang mga rosas sa tabi ko at pinagmasdan ang paligid ng sala.

Madami na pala ang nagbago simula nang umalis ako. Wala na ang laruang napanalunan natin sa perya. Wala na ang painting na ginawa nating dalawa. Wala na ang pigurin na niregalo ko sa’yo. Wala na ang litrato kong nakasabit sa dingding mo. Wala na ang lahat ng ibinigay ko sa’yo.

Ika’y nagbalik dala ang pagkain na hindi ko na maalala kung alin. Inilapag mo ito sa mesa at tumabi sa akin. Hindi ka pa rin makatingin, ngunit dama ko ang bigat na dinadama ng iyong damdamin.

Ako pa rin ba? Ako pa rin ba ang nasa isip mo? Ano ba ang kailangan mo upang makalimutan mo na ako? Kailangan ko na bang umalis ngayon din? Madaming tanong ang tumatakbo sa isipan ko.

Ngunit wala kang maisagot. Hindi mo naman naririnig kung ano ang nasa isip ko. Hindi mo rin malalaman na ikaw pa rin ang laman ng utak ko. Hindi mo naman malalaman kung gaano kasakit ang mawala ka sa piling ko.

Ikaw na nga ang mismong lumayo, pero heto pa rin akong lumalapit sa’yo. Kahit sa aking panaginip lamang ay pagbigyan mo akong makita kang muli, mahawakan, at mahagkan. Hindi na ba pwedeng ibalik ang nawala?

Hinawakan ko ang iyong kamay at tumingin nang diretso. Sinubukan mo akong tignan, ngunit ito’y pinigilan mo. Pinikit mo ang iyong mga mata at pumatak ang luha sa iyong mga mata. Sinubukan kong hawakan ang iyong pisngi upang punasan ito, ngunit ito ay akin ring pinigilan.

Magkahawak lang ang ating kamay na nakatingin sa kawalan. Wari’y pinag-iisipan kung saan hahantong ang pag-iibigang hindi nagtagal.

Kinuha ko ang tatlong mga rosas sa aking tabi at isa-isa ko itong ibinigay sa iyo. Sa bawat rosas na nakukuha mo, unti-unting nasisira ang tahanan mo. Sa huling rosas na iniabot ko, tumingin ka sa akin at nagsimula kang maglaho.

Niyakap kita at hinabol ang oras ng iyong pagkawala. Unti-unting nawawala ang mga gamit sa sala. Unti-unting nawawala ang mga alaala. Unti-unting nawawala ang aking sinta.

Ngunit nasaan ba ako? Ako pala’y nasa puso mo. Kaya pala madilim ay wala na ako dito. Kaya pala wala na ang pinagsamahan natin dahil kinalimutan mo na ako.

Lahat ay nawala nang imulat ko ang aking mga mata. Tumingin ako sa kisame. Tumingin ako sa kawalan. Sa aking pagtanaw ay doon ko nalaman. Hindi na pala ako nabubuhay sa puso mo.

Advertisements

Leave a Comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s