Nagsasalita Na Si Ate

Malalim na ang gabi at gising pa rin kami ni ate. Kami lang ulit ang naiwan dito sa bahay dahil nasa trabaho ang aming mga magulang. Pareho na kaming inaantok pero nanonood pa rin ako ng cartoons sa TV namin. Nilapitan ako ni ate at kinalabit. Tumingin ako sa kanya at sinenyasan niya ako.
“Matulog ka na.”
Iyon ang nais niyang sabihin sa akin. Ngunit hindi siya nagsalita. Tanging sign language lang ang ginamit niya upang kausapin ako. Hindi kasi siya nakakapagsalita dahil siya ay pipi.

Simula nang ipanganak si ate, hindi na siya nakakapagsalita. Nagkasakit daw kasi si mama noong ipinagbubuntis niya si ate kaya naapektuhan ‘yung vocal chords niya. Kaya ayun, hindi na siya nakapagsalita. Nahirapan daw sina mama at papa na alagaan siya dati dahil sa kondisyon niya. Buti naman at hindi na nahihirapan si ate na mamuhay ngayon dahil magaling na siyang gumamit ng sign language. Sinusubukan niya talaga ang lahat ng kanyang makakaya upang maintindihan siya ng mga tao.

Medyo naaawa na nga ako sa kanya dahil hindi siya normal. Kapag magbabayad siya sa jeep, walang pumapansin sa kanya. Napipilitan din siyang magbayad ng eksakto kasi wala rin naman siyang maisasagot kapag tinanong siya kung saan siya pupunta. At kung papara siya, kailangan pa niyang katukin ‘yung kisame ng sasakyan. Malas nga kung foam pa ‘yung kisame ng jeep. Kinakalabit na lang niya ‘yung katabi niya upang senyasan ng “Para!” ‘yung driver dahil hindi nga siya makapagsalita. Siguro kung may boses siya, mas madali ang buhay niya. Gaano kaya kaganda ang boses niya? Kasingganda siguro niya.

Nang matapos na ang cartoons na pinapanood ko, pinatay ko na ang TV at nagpasama kay ate sa kwarto. Tinimplahan na niya ako ng gatas at pinatulog sa kama. Hindi ko na naramdaman ang kanyang pag-alis sa kwarto dahil mahimbing na ako sa aking pagtulog.

Maya-maya pa ay nagising ako sa ingay ng TV sa aming sala. Tinakpan ko muna ang aking tainga gamit ang aking unan at pinilit na makatulog. Ilang minuto na ang nakalipas ngunit hindi pa rin ako makatulog kaya bumangon na ako at sinilip kung bakit nakabukas pa rin ang TV hanggang ngayon.

Nakita ko si ate na nakaupo sa sofa at nanonood ng cartoons sa TV. Nilapitan ko siya at sinubukang kausapin.
“Ate, bakit gising ka pa?” tanong ko sa kanya.
Patuloy pa rin siya sa panonood; tila hindi niya ako narinig. Umupo na lang ako sa tabi niya at sinabayan siya sa panonood.

Lumipas na ang isang oras at inaantok na ako, ngunit hindi pa rin pinapatay ni ate ang TV. Biglang bumukas ang ilaw sa kusina. Natakot ako. Baka may magnanakaw na nakapasok sa bahay namin. Lumingon muna ako saglit at tinignan kung sino ang nasa kusina. Nakita kong bumukas ng ref ang isang babaeng nakaputi. Natakot ako at niyakap ko si ate. Nanginginig pa ako sa takot nang sabihin ko sa kanya ang tungkol sa nakita ko.
“Ate, may tao sa kusina.”

Tumingin ako sa kanya nang bigla siyang magsalita.
“Siya ang ate mo, hindi ako.”


Featured image from Apartment Therapy

Advertisements

Leave a Comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s