Ang Bagong Mannequin

Sa tuwing mapapadaan ako sa mga rooms ng College of Nursing sa 3rd floor ng aming unibersidad, sinisilip ko ‘yung mga medical dummy (mannequin) sa loob. Iniisip ko kasi minsan na baka gumalaw na lang sila bigla. Tinititigan ko sila nang mabuti baka sakaling gumalaw sila. Pero, wala. Nakatulala lang sila sa kisame habang nakahiga, tila nagpapahinga. Baka tulog ang sila. Ewan, nasisiraan lang yata ako ng bait.

First day pa lang ng sem, maingay na agad ang klase. Nasa sulok lang ako at walang katabi, nakikinig ng mga kanta sa cellphone ko. Ayokong makipag-usap sa kanila, nakakasawa na rin silang kaibigan. Wala bang bagong darating, kahit irreg man lang?

Bumukas ang pinto. May pumasok na lalaki. Tumahimik sila. Akala nila, siya ‘yung prof. Pero bakit parang may kakaiba kaming naramdaman sa taong ito? Bakit siya nakasaklay? At anong nangyari sa binti niya at may nakakabit na cast?
“Uy, tulungan niyo!” sabi ng isa naming kaklase. Tumayo sila at tinulungan ang lalaki na makahanap ng upuan. Hindi nagpasalamat ang lalaki pagkatapos siyang bigyan ng upuan. Walang modo ‘tong mokong na ‘to ah. Tinulungan na ngang makaupo, hindi pa nagpasalamat!
“Hello, po!” kinausap ng makulit naming kaklase ‘yung lalaki.
Tinignan niya ‘yung kaklase ko pero hindi siya umimik.
“Ano po pangalan niyo?” kinausap niya ulit.
“Emman.” bulong ng lalaki.
“Irreg ka po ba?”
“Oo.”
“Ngayong subject ka lang po ba namin kaklase?”
“Oo. Ang hirap nga na palipat-lipat ng classroom eh.”
“Naiintindihan din po namin ‘yun.” Tinignan ng kaklase ko ‘yung binti niya na nakabalot ng cast. “Ano po nangyari sa binti niyo?” tanong niya. “Ok lang po ba malaman?”
“Ah, eto. Nahulog lang ako sa hagdan.” Pangiti siyang sumagot at hinaplos ang kanyang binti.
“Ahh. Okay po.”
Hindi ako naniniwala na nahulog siya sa hagdan kaya siya napilayan. Parang may kakaiba talaga tungkol sa kanya eh. Hindi ko lang alam. Inobserbahan ko siya buong magdamag. Tahimik lang siya. Ganun naman talaga siguro kapag irreg.

Nag-text si mama sa’kin.
     “Umuwi ka kaagad pagkatapos ng klase mo, ha. May pupuntahan ako.”
Hindi na lang ako nagreply. Lagi naman siyang umaalis eh. Ay, hindi pala. Strikto lang kasi siya kaya pinapauwi niya ako nang maaga. Sus, para naman kasing gigimik ako kung saan-saan pagkatapos umuwi; wala ngang nagyayaya sa’king gumala eh. What a life.

Mag-isa lang siyang kumakain nang abutan ko siya sa canteen nung uwian. Nilapitan ko siya para kausapin at makilala ko siya lalo.
“Hi,” binati ko siya at sinabi ‘yung pangalan ko. Ngumiti lang siya sa’kin. Balak ko talagang malaman kung ano talaga ang nangyari sa binti niya pero hindi ko muna siya tatanungin tungkol dun agad-agad. Sinubukan ko muna siyang tanungin kung bakit siya irreg pero-…
“Alam kong gusto mong malaman kung bakit talaga ako napilayan,” sabi niya sa’kin.
“Ha?” Nagulat kasi ako sa sinabi niya.
“Kanina ko pa ‘yun naraamdaman sa’yo.”
“Uh… Kung sabagay, parang may nararamdaman din akong kakaiba sa’yo.”
“Sa’yo ko lang sasabihin ‘to ah,” lumapit siya sa’king tainga at bumulong, “may kakababalaghang nagaganap dito sa university na ‘to tuwing gabi.”
Hindi ako nagulat sa sinabi niya, inasahan ko na rin ‘yun na sasabihin niya sa’kin ‘yun.
“Kaya ka ba napilayan dahil dun?” tanong ko.
“Hinabol nila ako.”
“Ha? Sino?’
“’Yung mga mannequin sa 3rd floor,” sabi niya. Natawa ako. Akala ko pa naman kasi mga multo ang hahabol sa kanya, pero mga mannequin? Wow.
“Naniniwala na ako sa mga urban legend na kumakalat dito tungkol sa mga nabubuhay na mga mannequin at standee,” sabi niya.
“Anong urban legend?” tanong ko. “’Di ko pa ‘ata naririnig ‘yang isang ‘yan.”

Ito ang ikwinento niya sa’kin. May mga kwento raw siyang naririnig dati na nabubuhay daw ‘yung mga dummy sa room ng nursing sa gabi pagkatapos patugtugin ‘yung hymn ng school. Tahimik lang sila habang pagala-gala lang sa main building. Pero nag-iiba ang kilos nila kapag nakakakita ng tao; nanghahabol daw sila. Nakakarinig daw kasi sila ng mga nag-uusap habang hindi pa sila gumagalaw tuwing maaraw pa. Isang araw, narinig nila na may bagong mga mannequin daw ang darating at itatapon na raw sila. Hahanapin nila ‘yung mga bagong mannequin na ‘yun pagkagising nila at sisirain nila ‘yun. Kaya malas ka kung hindi ka pa nakakauwi kasi hahabulin ka nila at paghihiwalay-hiwalayin nila ang bawat piraso ng katawan mo na parang mannequin lang at sisirain. Kapag nakita mo raw na may usok na lumalabas sa thermal lab, ibig sabihin nun, may nabiktima sila at sinusunog nila ‘yun.

“Grabe naman ‘yun,” sabi ko sa kanya.

Pero meron pa raw siyang narinig na isa pang version ng urban legend na ‘yun. Nagkasunog daw dati sa school ‘tapos madami ‘yung mga hindi nakatakas kaya sila namatay. Pagala-gala raw ‘yung mga espirito nila sa campus hanggang sa dumating ‘yung mga mannequin sa rooms dito at sinapian nila ‘yun; nagbabakasakaling magkaroon sila ng katawan ulit. Kaya, ayun, nakakagalaw na ‘yung mga mannequin. Pero hindi pa doon nagtatapos ‘yung paghahangad nilang magkaroon ulit ng katawan; gusto nilang magkaroon ng laman kaya sila nanghahabol ng mga buhay na tao. May mga iba na puputulin pa ‘yung mga parte ng katawan mo para ipalit sa mga braso’t binti nila. Meron namang mga kumukuha ng mga laman loob mo at ipagpapalit sa mga bakal nilang laman and vice versa.

“So, kaya ka ba napilayan kasi sinubukan ka nilang putulan ng paa?” tinanong ko sa kanya.
“Oo! Buti nga nakaligtas pa ako.”
“Paano ka nakalabas ng school?”
“Hindi ako makalabas kasi sarado ang lahat ng pintuan kahit sa baba. Nagtago na lang ako at nagpalipas ng gabi.”
“Eh, duguan ka nun! Edi masusundan ka nila kasi susundan lang nila ‘yung mga bakas ng dugo na naiwan mo.”
“Mabuti nga at nakapagtago pa ako sa isa sa mga malaking locker sa 5th floor. Wala na akong ibang mapuntahan kasi nagkalat silang lahat! Bawat lugar na mapuntahan ko, may standee na nakabantay, handang wasakin ang mga binti ko anumang oras.”
“Eh ‘yung mga manneqiun, nakita mo ba sila?”
“Hindi ko na sila nakita pero may naririnig akong mga naglalakad papalapit sa’kin.”
Hindi na ako nakapagsalita.
“Kaya ikaw,” sabi niya sa’kin, “’wag kang magpapagabi dito. ‘Wag mong hayaan ang sarili mo na abutan ‘yung pagpapatugtog ng alma mater hymn. Umuwi ka na lang agad.”
Umalis siya kaagad pagkatapos ng usapan namin at sinabi sa’kin na kailangan na raw niyang pumasok sa susunod niyang klase. Wala naman na akong klase, ayoko lang umuwi. Kahit na alas siyete na at madilim na  ang paligid, hindi muna ako uuwi; malapit lang naman ang bahay ko dito.

Humanap ako ng bakanteng kwarto sa 6th floor at natulog muna ako doon. Naging mahimbing ang aking pagtulog. Nagulat na lamang ako nang magising ako at nalamang malapit nang mag-alas dyis. Grabe, wala man lang bang gumising sa’kin na utility? Sumilip muna ako sa pinto at may nakitang mannequin na nakasandal sa isang display case. Nagulat ako. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Hindi naman siya gumagalaw sa ngayon; hindi rin naman siya nakaharap sa’kin. Dahan-dahan kong binuksan ‘yung pinto at lumabas ng classroom. Gumagana pa naman ‘yung elevator malapit sa linen room. Hinintay ko siyang umakyat sa 6th floor para makababa na agad ako. Ayokong takutin ang sarili ko pero kailangan ko nang umalis dito.

Kaso biglang tumunog ‘yung phone ko. Tumatawag si mama; nagtataka na yata siya kung bakit hindi pa ako nakakauwi. Sasagutin ko na sana ‘yung tawag niya nung bumukas ‘yung elevator pero alam kong mawawalan ako ng signal kapag nasa loob na ako. Sinagot ko na lang ang tawag ni mama at hinayaan ang elevator na magsara at bumaba muli.
“Asan ka na?!” sigaw ni mama. “Bakit hindi ka pa nakakauwi?”
“Trapik pa po kasi, ma,” palusot ko. “Malapit na rin po ako.”
Lumingon ako saglit sa hallway at nakitang nasa likod ko na ‘yung mannequin kanina! Binaba ko agad ‘yung telepono at dali-daling bumaba ng hagdan. Sana hindi niya ako mahabol.

Nakapatay ang mga ilaw sa 5th floor. Sinubukan kong buksan ang pinto sa library para makababa ako sa kabilang building; nasabi kasi sa’kin ni Emman kanina na sarado ang pinto sa ground floor at sa lobby. Madilim ang paligid. Hindi ko matanaw ‘yung loob ng library mula sa pinto nito. Sinubukan kong buksan ‘yung pinto ng library kaso naka-lock na siya ngayon. Paulit-ulit ko ‘tong ginawa, nagbabakasakaling naipit lang ‘yung pinto kaya ‘di ‘to mabuksan. Ilang beses pa at biglang may sumugod na dummy galing sa loob ng library at nabunggo siya sa pinto. Nagulat ako at napaatras. Hampas siya nang hampas sa pinto at nagsisisigaw na parang gusto niyang lumabas! Napalingon ako sa hagdan pababa at nakita ko ang isang dummy na nakatingin sa’kin at napatili nang sobrang lakas! Dali-dali akong tumakbo sa madilim na pasilyo ng 5th floor bago pa man ako habulin ng mannequin na handang pumatay sa’kin.

Wala namang masamang nangyari nang makarating ako ng 4th floor, pero biglang may lumabas na sumisigaw na mannequin sa fire exit ng faculty room. Nadapa at nahulog ako sa hagdan papuntang 3rd floor at nasaktan ang binti ko. Gayundin ang nangyari sa mannequin, pero nauntog ang ulo niya sa sahig at tila nawalan ng buhay. Kinuha ko ang pagkakataong iyon upang makatakas. Sinubukan kong tumayo pero hindi ko kaya. Paika-ika akong naglakad papunta sa hagdan.

Ngunit mayroon akong narinig na pag-iyak galing sa isa sa mga kwarto sa 3rd floor. May babaeng humihingi ng tulong. Binuksan ko ang flashlight ng aking phone at nilapitan ang kwartong pinanggagalingan ng ingay – isa pala ‘yun sa mga rooms ng nursing. Sinilip kung may tao nga doon ngunit wala naman akong nakita. Dahan-dahan akong pumasok sa delivery room, at patuloy pa rin sa pag-iyak sa loob ng kwartong iyon. Lumapit ako sa pinanggagalingan ng ingay at nakita ang isang babaeng nakaluhod at malakas ang pag-iyak.
“Ate, ayos ka lang ba?” tanong ko sa kanya. Inilawan ko siya at dahan-dahang nilapit ang aking kamay upang kalabitin siya ngunit…
“AAAAAHHHHH!!!!” tumili nang malakas ang babae at nagulat ako; isa pala siyang mannequin!

Sinubukan kong tumakas ngunit hindi ko mabuksan ang pinto. Natumba ako nang paghahampasin niya ako nang malakas. Wala akong laban sa kanya nang patuloy niya akong hinahampas. Nagkalat sa buong kwarto ang aking tumatalsik na dugo mula sa mga sugat na nakukuha ko sa panghahampas niya sa’kin. Maya’t maya ay nagsibangon na ang iba pang mga dummy sa loob at sumugod papalapit sa’kin. Hinampas ako ng isang mannequin sa ulo at ako’y nawalan ng malay.

Nagising na lamang ako nang may humihila na sa’kin pataas ng hagdan ng kabilang building. Duguan ako at hindi ko maramdaman ang mga buong katawan ko. Nakita kong nakabukas ang ilaw sa thermal lab. Nagkalat sa sahig ang pira-pirasong mga bahagi ng katawan ng dummy. Sa baba ng hagdan ay may kalahating mannequin na gumagapang papalapit sa’kin. Nawalan ulit ako ng malay. Hindi ko nga alam kung sino o kung ano ang humihila sa’kin sa hagdan.

Paggising ko ay nakita ko ang sarili ko na nakahiga isang sahig ng isang kwarto. Nakabalot sa bandage ang mga binti ko at hindi makagalaw. Tumingin ako sa pinto at may nakitang nakaharang na table sa harap nito para hindi ‘to mabuksan mula sa labas. Sa tabi nito ay si Emman na nakaupo na tila pagod na pagod.
“Psst, Kuya Emman,” tinawag ko siya.
“Oh, ano? Sabi ko kasi sa’yo, wag kang magpapagabi dito eh,” sabi niya sa’kin. “Naabutan ka tuloy ng alma mater hymn.”
Pinagmasdan ko siya at may napansing mali sa kanya. Nasaan ‘yung cast at saklay niya?
“Kuya, akala ko ba nakauwi ka na kanina pa?” tanong ko. “Nasaan ba ako ngayon?”
“Hindi na importante ‘yun; ang importante, ligtas ka.”
“Ahh.” Tumahimik ako saglit. “’Di ba may cast na nakakabit dyan sa paa mo? Asan na ‘yun?”
Hindi siya umimik.
“’Tsaka anong nangyari sa labas kanina? Asan na ‘yung mga guard? ‘Di ba dapat nakalabas na tayo kanina pa kung ikaw nga ‘yung nagligtas sa’kin?”
“Alam mo ba ang tunay kong pangalan?” nagtanong siya bigla.
“Hindi. Ano nga ba?”
“Emmanuel. Emmanuel Quinto. Buti na lang hindi Manny ang palayaw ko.”
“Ha? Bakit? Naaasar ka ba kapag tinatawag kang Manny Quinto?”
Tumili siya nang malakas at tumalon sa harap ko.

Siya pala ang bagong mannequin.

November 23, 2015


Featured image by manicmetanoia

Advertisements

Leave a Comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s