Ang Sto. Niño sa Altar

Ayaw ko nang mag-commute! Sawang-sawa na ako sa ilang minutong naghihintay ng masasakyang jeep at nakatirik lang sa gitna ng kalsada. Mahirap kasi kapag madami kang bitbit pauwi lalo na’t architecture pa ang course ko; madami ako laging dalang gamit. Kaya nanghingi ako ng tulong sa kaibigan kong si Grace na nakatira sa boarding house malapit sa university namin. Nang sumunod na linggo, nagpaalam na ako sa mga magulang ko na titira muna ako kina Grace.

Bagong lipat lang ako sa boarding house na tinitirahan ng kaklase kong si Grace. First time ko ngang tumira sa boarding house at hindi ko pa alam kung paano mamuhay sa ganitong klaseng lugar. Buti na lang at pareho kami ng kwarto ni Grace, meron nang magsisilbing guide sa’kin dito sa boarding house.

Una kong napansin ang Sto. Niño doon sa altar nang una akong pumasok sa boarding house. Merong litrato ng Our Lady of Perpetual Help atsaka mga bulaklak sa paligid ng altar.
“Napaka-relihiyoso naman ng may-ari ng boarding house na ‘to,” nasabi ko kay Grace.
“Oo. Halos araw-araw ngang magsimba si Aling Mina eh,” sagot niya sa’kin.
“Saan ‘yung kwarto natin?”
“Doon sa taas.”
Pumanik na pataas ng boarding house si Grace dala ang aking gamit. Tinignan kong muli ang Sto. Niño sa altar. Napakalinis nito. Grabe siguro ang pangangalaga ng may-ari nito sa kanya. Sumunod na ako kay Grace at pumasok sa kwarto.

Medyo malaki naman ‘yung kwarto, pero kaunti lang ‘yung gamit sa loob.
“Ilan tayo dito sa kwarto?” tanong ko sa kaklase ko.
“Tatlo,” sagot niya. “Ako, ikaw, at saka si Jessa.”
“Sino si Jessa?”
“Arki din yun, higher year. Kaso minsan lang siya dito.”
“Nag-boarding house pa siya kung minsan lang siya dito.”
“May pinupuntahan kasi siya gabi-gabi kaya doon na rin siya minsan natutulog.”
“Ahh. Eh, saan ‘yung kama niya?”
“Dyan sa tabi ng banyo.”
Tinignan ko ang kama ni Jessa at napansing malinis nga ito. Niligpit ko muna ang mga gamit ko sa tabi ng kama ko at lumapit sa kama ni Jessa.
“’Wag kang uupo dyan!” sinigaw ni Grace bago pa ako makaupo sa kama ni Jessa.
“Bakit? Ano’ng meron?” tanong ko.
“Nagagalit kasi si Jessa kapag nakikita niyang magulo ‘yung kama niya eh,” sabi ni Grace. “Hayaan mo na lang ‘yan.”
“Ahh. Ok.”
Tumayo na ako at dumiretso sa banyo upang maghilamos. Tila napaka-misteryoso naman ata ni Jessa. Ano kaya ang ginagawa niya gabi-gabi? Bakit bihira lang siyang umuwi sa boarding house?

Gabi-gabi akong nagpupuyat dahil sa plates na pinapagawa sa’min ng aming prof. Gabi-gabi rin ako naiistorbo sa aking pagtulog dahil palagi akong nakakarinig ng mga pagkatok. ‘Pag bumabangon naman ako at lumalapit sa pinto, wala namang tao sa labas. Iniisip ko na lang na pusa lang iyon para hindi ko takutin ‘yung sarili ko.

Isang gabi ay narinig ko nanaman ang mga maliliit na katok habang gumagawa ng plates. Ginising ko ang kaklase ko nang marinig ko ang ingay na iyon.
“Naririnig mo ‘yun?” tanong ko sa kanya.
“Ang alin?” tanong niya nang siya’y maalimpungatan.
“‘Yung maliliit na katok?” sabi ko. “Kanina pa ‘yun eh.”
“Nag-hahallucinate ka lang siguro,” sabi niya sa’kin. “Hindi ka pa ba tapos dyan sa plates mo?”
“Hindi pa eh.”
“Matulog ka na. Baka dahil lang sa puyat at nakakarinig ka ng mga ingay dyan.”
Bumalik na sa pagtulog si Grace. Napatingin ako muli sa pinto namin at inisip kung saan nga ba talaga nanggagaling ‘yung maliliit na katok na iyon.
“Stress lang siguro ‘to,” sabi ko sa sarili ko.

Tanghali na nang nagising ako kinabukasan. Naghahanda na ng lunch si Grace. Sa lahat ba naman ng pwede niyang lutuin, hotdog at itlog pa. Hindi na ako nagreklamo dahil gutom na rin ako pagkagising ko. Pero naaalala ko pa rin ‘yung mga ingay na narinig ko kagabi.
“Grace,” tinawag ko siya. “Nung wala pa ako dito, ilan kayo dito?”
“Tatlo rin,” sinagot niya.
“Asan na ‘yung isa?”
“‘Wag kang maingay ah. Nagpakamatay siya.”
Nawalan ako ng ganang kumain.
“Ba’t siya nagpakamatay?” tinanong ko.
“Malay ko ba dun. Kinikilabutan nga kami ni Jessa sa kanya eh.”
“Ha? Paano?”
“Gabi-gabi kasi, lumalabas na lang siya bigla sa kwarto. ‘Tas naririnig na lang namin siyang bumubulong ng kung ano-ano,” tumigil saglit si Grace. “Parang may kinakausap na ewan.”
“Sino kaya ‘yun?”
“Malay namin. Pero simula nung namatay siya, bigla na lang kaming nagigising sa ingay sa labas. Parang may bumubulong na ewan.”
Naisip ko kung iyon din ang ingay na narinig ko kagabi. Pero hindi. Magkaiba naman ang ingay ng nag-uusap sa ingay ng kumakatok.

Mahimbing na ang aking pagtulog nang makarinig ako ng isang bulong sa kwarto.
“Ria!” isang maliit na boses ang bumulong. “Bumalik ka na pala, Ria!”
“Sino naman si Ria?” tanong ko sa sarili ko.
Patuloy pa rin sa pagbulong ang maliit na boses at hindi ako makatulog dahil dito. Bumangon muna ako at sinundan ang pinanggalingan ng boses na iyon. Binuksan ko ang pinto at dumungaw sa labas.
“Hello?” sigaw ko. “May tao ba diyan?”
Patuloy ako sa paglingon pero wala namang tao. Tumingin ako sa baba at nagulat ako nang makita ko ang Sto. Niño na nakatayo sa harap ng mga binti ko! Bigla kong sinara ang pinto sa takot at humiga muli sa kama.
“Walang hiya!” napahingal ako. “Sino namang kumag ang maglalagay ng Sto. Niño doon sa pinto?!”
“Jessa!” sinigaw ng maliit na boses. “Jessa, nakita mo ba si Ria?”
Nabanggit ng maliit na boses si Jessa. Ano’ng kinalaman niya dito?
“Ewan ko ba,” sabi ko sa sarili ko. “Guni-guni ko lang siguro ang lahat. Matutulog na lang ulit ako.”

Nagising ako nang marinig kong nakikipag-usap si Grace sa isa pang tao sa loob ng kwarto namin.
“Uy, Cherry! Gising ka na pala,” pagbati sa’kin ni Grace.
“Sino ‘yan?” tanong ko sa kanya.
“Ay, oo nga pala. Siya nga pala si Jessa,” pinakilala niya kami sa isa’t isa. “Jessa, siya si Cherry; ang bago nating roommate.”
“Hello, Cherry!” pagbati sa’kin ni Jessa. “Pasensya na kung kayo lang dalawa ni Grace ang kadalasang nandito ah. Kumusta pala ang pagtulog mo dito?”
“Hindi nga ako makatulog eh,” sagot ko. “Lagi akong puyat dahil sa plates.”
“Ha ha ha!” tumawa si Jessa. “Ganyan talaga ‘yan. Matatapos mo rin lahat ‘yan.”
“Uhm, bibili muna ako ng pagkain natin ha,” sabi ni Grace. “Mag-usap muna kayo.”
“Sige. Ingat!” sabi ni Jessa.
“Ano palang gusto niyong ulam?”
“Dinuguan na lang sa’kin,” sabi ni Jessa kay Grace.
“Sa’yo, Cherry?”
“Uhh, giniling na lang siguro.”
“Sige!”
Kinuha ni Grace ang pera niya at umalis. Naiwan kami ni Jessa sa loob ng kwarto habang hinihintay si Grace na bumalik.

Ngayong nandito na rin lang si Jessa, pwede ko nang itanong ang tungkol sa mga bagay na bumabagabag sa’kin dito gabi-gabi.
“Jessa,” tinawag ko siya. “Pwede ko bang tanungin kung saan ka pumupunta gabi-gabi?”
Hindi muna umimik si Jessa.
“Ahh, ‘yun ba? Wala. Gumigimik lang ako lagi. Sa sobrang lasing ko, doon na ako nakakatulog sa bahay ng kaibigan namin.”
“Kaya ka ba umaalis kasi may umiistorbo sa’yo dito lagi tuwing gabi?”
Bigla akong tinitigan ni Jessa.
“So, alam mo na pala?” sabi niya sa’kin.
“’Yung alin?” aking pagtataka.
“’Yung tungkol doon sa nabubuhay na Sto. Niño.”
Nagulat ako doon sa sinabi niya.
“H-Ha? Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Kaya ako umaalis dito gabi-gabi kasi takot ako doon sa Sto. Niño na ‘yun.”
“Kailan pa nangyayari ‘yun?”
“Malay ko ba. Lagi na raw nangyayari ‘yun bago pa ako dumating dito. Kasama ko pa dito noon ‘yung roommate naming si Ria. Sabi niya sa’kin noon, palagi raw siyang nagigising bigla kasi kinakausap siya ng Sto Niño. ‘Tas bigla ko na lang nalaman na nagpakamatay siya dito sa mismong kwartong ‘to.”
“Ha? Paano nangyari ‘yun?”
“Ewan ko rin. Siguro dahil hindi na niya kaya ‘yung gabi-gabi siyang nababagabag ng Sto. Niño na ‘yun. Ikaw kaya ang maistorbo ng ganun tuwing gabi.”
Hindi ako nakapagsalita.
“Naku, kung ako sa’yo, lilipat na ako ng boarding house,” sabi sa’kin ni Jessa. “Buti nga at nakakayanan pa ni Grace na manatili dito eh. Wala lang kaming sapat na pera para lumipat kaya nandito pa rin kami.”
Muling nagbalik si Grace dala ang aming tanghalian.
“Andito na ako!”
Napansin ako ni Grace na tulala sa isang tabi.
“Oh, Cherry, ano’ng nangyari sa’yo?”
“Wala,” sabi ko na lang. “Kain na tayo.”

Hindi muna umalis si Jessa kinagabihan.
“Hindi ka ba aalis ngayon, Jessa?” tanong ko sa kanya.
“Gusto mo bang umalis ako dito ngayon?” pabiro niyang sinagot.
Nagkwentuhan na lang muna kami hanggang sa makatulog na ang lahat. Ngunit hindi ako makatulog nang gabing iyon. Hinihintay kong bumalik ang Sto. Niño sa kwarto namin.

Madaling araw na at hindi pa rin siya dumarating. Naiihi na ako kaya bumangon muna ako at pumunta sa banyo. Mahimbing sa pagtulog sina Grace at Jessa. Tahimik akong naglakad papunta sa banyo. Nagulat ako sa pagbukas ko ng pinto; nakatayo sa taas ng inodoro ang Sto. Niño!
“Ria!” sigaw ng Sto. Niño.
“AAAHHH!!!” napatili ako at dali-daling isinara ang pinto ng banyo.
Kahit na malakas ang sigaw ko noon, hindi pa rin nagising ang mga kaswama ko sa kwarto. Biglang bumukas ang pinto at lumabas ang Sto. Niño sa banyo.
“Ria! Saan ka nanggaling?”
“HINDI AKO SI RIA!”
Dahan-dahang naglalakad papalapit ang Sto. Niño sa akin. Kinuha ko ang aking T-Square at hinampas ko siya. Naka-ilag siya at bigla siyang lumundag sa’kin.
“RIAAA!!! SAAN KA NAGPUNTAAA???!!!”
Kinalmot ako nang kinalmot ng Sto. Niño hanggang sa magsugat ang mukha ko. Wala akong magawa kundi tumili sa takot.

Buti na lang at biglang nagising si Jessa at hinila ang Sto. Niño sa mukha ko. Binuksan niya ang bintana at ibinato ito palabas. Hindi ako tumigil sa paghingal dahil sa takot.
“Cherry, ok ka lang ba?” tanong sa’kin ni Jessa.
Hindi ako makasagot. Niyakap ako ni Jessa.
“‘Wag ka nang matakot. Wala na siya.”

Dahil sa sobrang trauma na naranasan ko sa boarding house na iyon, bumalik na ako sa pag-commute pauwi ng bahay ilang linggo matapos ang insidenteng iyon. Nandun pa rin daw sa boarding house nakatira sina Grace at Jessa. Dumadalaw pa ako doon minsan upang kumustahin sila. Pero may napansin akong kakaiba sa altar doon sa boarding house. Mukhang may bago nanamang Sto. Niño ang may-ari ng bahay na iyon.


Featured image by emerudesu.

Advertisements

6 thoughts on “Ang Sto. Niño sa Altar

Leave a Comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s