UTAK 4 RENT

Hirap na hirap na siya. Hindi na niya kaya. Hingi siya nang hingi ng pera sa mga magulang niya pero hindi pa rin siya binibigyan. Kailangan na niya kasi ng pambili ng bagong laptop. Ginigipit siya ng nanay niya sa binibigay na baon sa kanya kaya hindi siya makapag-ipon. Wala siyang panahon para pumasok sa isang part-time job. Napuno na siya’t natanong sa sarili, “Full scholar naman ako ah! Sana naman napupunta naman sa’kin ‘yung mga babayaran ko sanang tuition!” Ang kailangan niya lang ngayon ay pera, at gagawin niya ang lahat para lang makapag-ipon.

Isang araw ay may napansin siyang kakaiba sa isang siomai house na kinakainan niya malapit sa school na pinapasukan niya. Wala namang mali sa lasa ng siomai na kinakain niya, may nararamdaman lang siyang kakaiba sa mga katabi niya. Hindi kasi sila kumakain; parang may hihintay lang sila at nakatambay. Tumahimik muna siya at humigop ng sabaw. Maya’t maya ay may tumawag sa katabi niya.
“Ready na ‘yung order mo,” sabi ng tindero. “Kunin mo na lang sa kabila.”
Nagtaka siya tungkol sa sinabi nung tindero ng siomai. Anong meron sa kabila? Bakit dun pa dapat kailangang kunin ng customer ang order niya? ‘Di ba dito naman ‘yung tindahan ng siomai?

Nung hapon ng araw na ‘yun, bumalik siya sa siomai house at nakitang nagliligpit na ng gamit ‘yung mga tindero. Nilapitan niya ang isa sa kanila at nagtanong.
“Kuya, ano po ‘yung meron dun sa kabila?” tanong niya. “Bakit dun nila kinukuha ‘yung iba nilang order?”
Nagulat ‘yung lalaki sa tinanong niya at tila siya’y pinawisan.
“Uhh… Ano kasi,” pautal-utal na sinabi ng lalaki. “May pinapatayo kasi akong bagong kainan sa kabila. Ibang putahe naman, hindi na siomai.”
“Talaga po? Ano po ba ‘yung mga binebenta niyo ‘dun?”
“Mga laman loob. Pero sisig ‘yung specialty ko.”
“Ahh. Pero bakit wala po akong nakikitang construction sa tabi niyo?”
“Nag-iipon pa kasi ako ng pagpapagawa dyan.”
“Kung nag-iipon nga po kayo, bakit po kayo nagsasara agad?”
Hindi na umimik ang lalaki. Nakatitig lang sila sa isa’t isa. Napaisip ang tindero at nasabi sa sarili niya, “Matalino ‘tong kausap ko.”

Hindi nagtagal at nagsalita rin ang tindero.
“Matalino ka rin, ah. Scholar ka ba?” tanong ng tindero.
“Po?” nagtaka ‘yung estudyante. “Uh, opo. Bakit niyo po natanong?”
“Ay, ganun ba. Wala ka naman palang babayarang tuition eh. May job offering kasi ako ngayon sa siomai house ko. Baka gusto mo lang naman kumita ng pera.”
“Ha? Ano po ‘yun?” nanlaki ang mata niya. “Interesado po ako dyan.”
“Kaso delikado siya eh. Magtatrabaho ka lang naman dun sa likod; dun sa sinasabi naming ‘kabila’ ng tindahan namin.”
“Ok lang po. Nangangailangan din po kasi ako ng pera eh.”
“Sigurado ka?”
“Opo.”
“Halika’t ipapakita ko sa’yo ang pagtatrabahuhan mo.” Naglakad ang tindero papunta sa likod ng siomai house at sinundan siya nung estudyante.

Pumasok sila sa isang madilim na kwarto na amoy ospital. Binuksan ng tindero ang ilaw sa kwartong iyon at nagulat ang estudyante sa kanyang nakita. Sa loob ng kwarto ay may dalawang magkatabing silya na may nakakabit na helmet. May mga computer din sa tabi nito. Nakakita na siya ng ganito dati, sa Pinoy Henyo ba ‘yun o sa isang sikat na sci-fi movie? Kung ano man ‘yun ay wala na siyang pake dun; ang nasa isip niya lamang ngayon ay kung bakit may mga ganung bagay sa kwarto na iyon.
“Siguro ay nagtataka ka na ngayon kung bakit may ganito dito,” sabi ng tindero.
“Uhm… Opo. Bakit nga po ba?” tanong ng estudyanteng kinakabahan na.
“Anak, minsan kasi ay may mga lumalapit din sa’kin para kumita ng pera; kadalasan, sila ‘yung mga matatalino na walang-wala na sa pera. Yari namang ako’y isang mabuting nilalang na nag-aalala rin sa kalagayan ng mga estudyante sa unibersidad na ito ngayon, nagsasagawa ako ng mga lessons sa kanila.”
“Nagpapatutor po ba kayo sa mga estudyante? Saan po napunta ‘yung mga silya dito dun sa kwento niyo?”
“Ha ha ha! Hindi ako nagpapatutor, iho,” natawa ang tindero. “Nagsasagawa ako ng underground operation dito sa kwartong ‘to.”
“Ano po ‘yun?”
“Nagpaparenta ako ng utak.”
Nagulat ang estudyante sa sinabi ng tindero sa kanya. Hindi siya nakapagsalita. Hindi niya maisip kung paano mangyayari ‘yung sinasabi niyang brain rental; pag-opera pa nga lang sa isang utak mahirap na, ‘yun pa kaya.
“Paano naman po nangyayari ‘yon?” tanong ng estudyante sa tindero.
“Kung may kliyente akong gustong matuto ng math para makapasa siya sa exam niya sa math sa araw na ‘yun, maghahanap ako ng taong magaling sa math at kukumbinsihin ko siyang ipahiram ang utak niya sa kanya nang may bayad. Kapag tapos nang mag-exam ‘yung kliyente ko, ibabalik niya ‘yung utak dun sa may-ari. Parang nagrerenta ka lang ng damit.”
Namangha ang esudyante sa kanyang narinig. Hindi niya alam na umabot na pala sa ganun ang teknolohiya sa panahon natin ngayon.
“Habang hindi pa bumabalik ‘yung may ari ng utak, tinatago ko muna ang mga piraso ng utak nila sa mga jar at nilalagyan ng label depende sa kung anong subject ang laman nito,” sabi ng tindero. “Dun nakalagay ‘yung mga utak na may kinalaman sa science. Dun naman ‘yung mga may kaugnayan sa history.” Tinuro niya ang iba’t ibang jar na nakadisplay sa kwartong ‘yon. Pinaiwan sa kanya ng tindero ang kanyang contact number para matawagan niya siya kapag may nangailangan na ng utak niya.
“Huwag na huwag mo ‘tong ipagkakalat, ha?” sabi ng tindero sa kanya.
“Uh. Opo,” sagot ng estudyante.
“Ano nga ulit pangalan mo?”
“Nico po.”
“Sige, Nico, tatawagan ka na lang namin kapag may nangailangan ng utak mo.”
Tulala lamang siya habang naglalakad pauwi. Hindi siya makapaniwala sa mga nadiskubre niya noong hapong iyon.

Makalipas ng ilang araw ay tinawagan siya ng tindero dahil may nais na humiram sa kanyang utak. Pinuntahan niya ang mala-ospital na operating room sa likod ng siomai house at nakita niya ang tindero na kasama ang isang estudyanteng nanghihintay na matuto ng earth science. Pinaupo silang dalawa ng tindero sa upuan at ikinabit ang mga helmet sa kanilang ulo. May mga nilagay siyang codes sa kanyang computer at nagsimula nang gumana ang kanyang machine. Naramdaman ni Nico ang mga tubong tumutusok sa ulo niya at hinihigop ang kanyang utak. Nakita niya sa isang transparent tube na kumokonekta sa kanilang dalawa ang mga piraso ng utak na naililipat sa kabila. Ipinasok ng mga tubo sa ulo ng katabing estudyante ang mga piraso ng utak na nanggaling kay Nico. Tumagal ng kalahating oras ang kanilang operasyon. Pagkatapos ay nilagyan ng tindero ng bandage ang ulo nilang binutas. Inabot ng estudyante ang kanyang perang pang renta sa tindero na nagkakahalagang sanlibong Piso (Php1000) pati na rin ang deposito nitong limandaang Piso (Php500) at saka umalis. Inabot ng tindero kay Nico ang kalahati ng bayad sa kanya.
“Ganun lang ‘yun?” tanong ni Nico. “Bakit parang mura lang ‘yung singil mo sa kanya?”
“Minor subject lang ‘yun,” sagot ng tindero sa kanya. “Mas mahal ang singil ko kapag major niya ‘yung gusto niyang hiramin.”
“Ahh. So, kailan ko po makukuha ulit ‘yung utak ko?” tanong niya. “Ang sama naman atang pakinggan nun, ha ha ha.”
“Tatawagan ka na lang namin tungkol dun.”
“Sige po, salamat po.” Umalis na si Nico sa kwartong iyon. Medyo lutang ang kanyang isipan habang siya’y naglalakad; epekto siguro iyon ng pagkawala ng kanyang utak. Iniisip niya kung tama lang iyong ginawa niya. Nakatulong na nga siya, nagkapera pa siya. Win-win situation din naman pala.

Kinabukasan ay bumalik ang nanghiram ng utak. Hinigop mula sa ulo niya ang utak ni Nico na hiniram niya at inilagay ito sa isang jar. Nakuha ng estudyante ang kanyang deposito at umalis din kaagad.
“Ser!” tinawag ng assistant sa siomai house ang tindero. “Paki-abot po ‘yung mga pork siomai sa freezer, nauubusan na po tayo.”
“Sige, iaabot ko na.” Pumunta siya sa freezer, kinuha ang mga pork siomai na ginawa ng kanyang assistant kagabi, at iniabot ito sa assistant niya na magluluto nito. Nakalimutan na niya ang tungkol sa jar ng utak ni Nico.

Tuwing gabi ay gumagawa ng siomai ang assistant ng tindero sa siomai house para mayroon silang maibenta sa susunod na araw. Specialty kasi sa siomai house nila ang kanilang homemade siomai dahil sa kakaiba nitong lasa. Medyo inaantok na rin siya nung gabing iyon pero kailangan niyang gumawa ng panibagong siomai. Pumunta siya sa freezer at kinuha ang mga karne na gagamitin niya sa paggawa ng siomai. Napansin niya ang jar sa loob nito.
“Ano kaya ‘to?” tanong niya sa sarili niya. “Siguro bagong ingredient ni sir sa paggawa ng siomai. Gamitin ko na nga.” Kinuha niya ang jar at nilamas-lamas ito upang maging palaman sa dumpling wrapper.
“Grabe, ang lambot naman nito! Madaling lamasin! Ano kayang uri ng laman ‘to?” Nagtaka siya. Hindi kasi pangkaraniwan ang lambot ng palaman na ginagawa niya. Pero nagpatuloy pa rin siya sa ginagawa niya at natapos sa paggawa ng homemade siomai.

Bumalik si Nico kinabukasan upang kunin muli ang utak niya.
“Hindi ko alam kung nasaan ‘yung utak mo,” sabi ng tindero sa kanya. “Hindi ko kasi maalala kung saan ko ‘yun nalagay. Pasensya na.”
Bago pa man makapagsalita si Nico tungkol sa sinabi ng tindero sa kanya, may bumulong na customer.
“Bakit ganito ‘yung lasa ng siomai nila ngayon? Hindi naman ganito ‘yung lasa nito dati ha?”

January 19, 2015


Featured image by emsdelamide 

Advertisements

2 thoughts on “UTAK 4 RENT

Leave a Comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s